Richard Gomez sinaltik ng kapwa kongresista sa pang-aabuso sa sports official

INILATAG ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang mga maaaring pagbasehan ng pagdidisiplina kay Leyte 4th District Rep. Richard Gomez.
Ito'y bunga pa rin ng pang-aabuso umano sa isang sports official noong nakaraang SEA Games sa Bangkok, Thailand.
Sa kanyang privilege speech, ipinaalala ni Ordanes na ang anumang pag-uugali ng isang mambabatas na may negatibong epekto sa Kamara ay maaaring basehan ng pagdidisiplina.
Hiniling nito na mapatawan ng 60-day suspension si Gomez sa pag-atake nito kay Philippine Fencing Association President Rene Gacuma, na bukod sa senior citizen ay ilang beses nang inoperahan sa puso.
Idiniin ni Ordanes na hindi katanggap-tanggap ang palusot ni Gomez na hindi siya mambabatas nang nagtungo siya sa SEA Games.
"Hindi katulad ng isang damit ang pagiging mambabatas na maaaring hubarin o tanggalin," katwiran ni Ordanes.
Sinabi pa niya na ang paraan ng pagdidisiplina sa Kamara ay hiwalay sa anumang legal na proseso sa labas ng Kongreso.
Sa salaysay ni Gacuma sinabi nito na tinapakan siya ni Gomez, madiin na pinisil ang kanyang daliri at pinagmumura, bago siya binatukan nito.
Nasundan pa ang diumanoy pang-aabuso ni Gomez kay Gacuma habang ginagamot ang huli.
"Ang hinihingi lamang po natin ay ang respeto at pang-unawa sa bawat isa, lalo na sa ating mga nakatatanda," banggit pa ni Ordanes, na ipinasakamay na sa House Ethics Committee ang dapat gawin kay Gomez.
The post Richard Gomez sinaltik ng kapwa kongresista sa pang-aabuso sa sports official appeared first on Bandera.

No comments: