Legarda suportado ang ‘Anti-Epal’ ng DILG, nais ng batas vs political credit-grabbing

PINURI ni Sen. Loren Legarda ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagpapatupad ng direktiba sa buong bansa na nag-uutos ng pagtatanggal ng mga pangalan at larawan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga proyekto, programa, at ari-ariang pinondohan ng gobyerno.
Tinawag niya itong isang matibay na hakbang tungo sa pagpapanumbalik ng integridad sa pamahalaan.
"Ang panunungkulan sa gobyerno ay isang public trust. Ang pondo ng bayan ay para sa serbisyo, hindi para sa personal na publicity," pahayag ni Legarda, kaugnay ng memorandum ng DILG na nag-uutos sa lahat ng antas ng pamahalaan na alisin ang personal branding sa mga billboard, pananda, tarpaulin, sasakyan, at iba pang ari-ariang pinondohan ng buwis ng mamamayan.
Binigyang-diin ng senadora na bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay may kaakibat na moral na pananagutan at isang kasunduan sa mamamayan.
Baka Bet Mo: Legarda naka-secure agad ng pondo para sa mga ahensyang pangkultura sa 2026
Kaakibat nito ang tungkuling gawing malusog ang mga bata, maglaan ng silid-aralan, magpagaling sa may sakit, sumuporta sa mga magsasaka, at magpanatili ng maayos na pamayanan.
Mabigat, aniya, ang nagiging epekto ng pagkasira ng kasunduang ito: batang walang aklat, pamilyang walang pagkain, silid-aralang walang upuan, pasyenteng walang gamot, magsasakang walang punla, at komunidad na walang malinis na tubig.
"Ang pondong dapat sana'y nailaan sa edukasyon, nutrisyon, kalusugan, kabuhayan, at mahahalagang serbisyong panlipunan ay nasasayang lamang sa mga pansariling interes ng ilang opisyal ng pamahalaan" giit ni Legarda.
Ipinaliwanag din niya na dahil walang batas na tahasang nagbabawal sa political credit-grabbing, nagsisikap ang mga ahensya ng pamahalaan na panatilihin ang integridad ng mga ito sa pamamagitan ng administrative issuances.
Noong 2010, ipinagbawal ng DILG ang mga billboard at karatulang may pangalan o larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Noong 2013, idineklara ng Commission on Audit (COA) na hindi wasto ang ganitong gawain.
Noong 2019, muling pinagtibay ng DILG ang pag-uutos sa mga lokal na opisyal na umiwas sa pagdalo sa pamamahagi ng mga programa ng gobyerno.
Kamakailan, malinaw na ipinagbawal ng General Appropriations Act of 2026 ang pang-iimpluwensya o pakikilahok ng mga opisyal at pulitiko sa pamamahagi ng mga tulong ng pamahalaan.
"Ipinakikita ng mga hakbang na ito ang tuluy-tuloy na pansariling promosyon ay sumisira sa tiwala ng publiko. Ngunit kung walang permanenteng batas, nananatiling marupok ang mga pananggalang na ito," diin ni Legarda.
Sa kasalukuyang Kongreso, inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 1716 o ang Anti-Epal Act, na naglalayong pagtibayin sa batas ang mga pananggalang na ito bilang isang permanenteng solusyon.
Ipinagbabawal ng panukala ang paglalagay ng pangalan, larawan, o personal na pagkakakilanlan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga programa at proyekto ng gobyerno upang matiyak na ang pondo ng bayan ay magagamit lamang para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Itatatag din ng panukalang batas ang Anti-Epal Desks para sa monitoring, pagtanggap ng mga reklamo, at pagsisiguro na naipatutupad ang batas.
Para kay Legarda, ang mga desk na ito ay konkretong reporma upang tuluyang mapuksa ang ganitong gawain.
Binigyang-diin niya na hindi magtatagumpay ang laban kontra "epal" kung hindi mabibigyan ng kapangyarihan ang mismong mga mamamayang nawawalan ng pondo na makapagsalita, makapag-ulat, at makapaningil ng pananagutan ng mga opisyal.
"Mapipigil lamang natin ang ganitong gawain kung may malinaw na mga mekanismo ng pag-uulat para sa publiko. Ang mismong mga mamamayan ang dapat may kakayahang magturo at mag-ulat ng mga paglabag," ani Legarda.
Kinilala rin ni Legarda na labis nang nakaugat ang ganitong gawain kaya't marami na ang nasanay at itinuturing na bahagi na ng kalakaran sa pulitika.
"Paulit-ulit na nating nasaksihan ang ganitong sistema. Habang pinapahintulutan natin ito, lalo lamang itong lumalalim," wika niya.
"Wakasan na natin ito ngayon at huwag nang ipamana pa. Kung puputulin natin ang ganitogn gawain sa umpisa pa lamang, kusa hihinto at mawawala," dagdag ni Legarda, kasabay ng panawagan sa kapwa niya lingkod-bayan na talikuran ang kultura ng pansariling promosyon.
Pinuri rin ni Legarda si DILG Secretary Jonvic Remulla sa pagpapanagot sa mga pinuno ng tanggapan upang matiyak ang pagsunod sa Anti-Epal directive at sa paghikayat sa mga mamamayan na iulat ang mga paglabag sa pamamagitan ng mga channel ng DILG at iba pang mekanismo ng reklamo.
Binigyang-diin niya na ang pananagutan ay dapat ipatupad sa lahat ng antas ng pamahalaan, mula sa mga pambansang ahensya hanggang sa mga barangay.
"Kapag umatras ang mga opisyal mula sa sentro ng atensyon, iginagalang natin ang mga mamamayang nagbabayad para sa bawat kilometro ng kalsada, bawat silid-aralan, at bawat relief pack na naipamamahagi," saad ni Legarda.
Tinapos ni Legarda ang pahayag sa paalala na ang mga proyekto ng gobyerno ay pinondohan ng mamamayan at hindi kailanman dapat gawing billboard at angkinin ng mga pulitiko ang credit.
Aniya, ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa dami ng beses na lumilitaw ang pangalan ng isang opisyal sa publiko, kundi sa dami ng buhay na tahimik na gumaganda dahil sa isang pamahalaang naglilingkod nang walang pagpapakitang-gilas.
"Hindi nasusukat ang mahusay na pamumuno sa dami ng tarpaulin o laki ng pangalan; nasusukat ito sa tapat na paglilingkod at malasakit na ramdam ng bayan. Ang pamumuno ay nakikita sa gawa, hindi sa mukha," sambit ng senadora.
The post Legarda suportado ang 'Anti-Epal' ng DILG, nais ng batas vs political credit-grabbing appeared first on Bandera.

No comments: