Kim Molina, Jerald Napoles ikakasal na sa March, nag-ipon muna kaya na-delay

TULOY na tuloy na ang kasal ng celebrity couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles sa darating na March ngayong taon.
Masayang ibinalita ng KimJe ang nalalapit nilang wedding sa mediacon ng bago nilang pelikula under Viva Films, ang Pinoy adaptation ng hit South Korean movie na "Wonderful Nightmare."
Yes! Wala na raw atrasan ang magaganap na kasalan nina Kim at Jerald matapos ang kanilang engagement noong August, 2024.
Nag-propose si Je kay Kim after 10 years ng pagiging magkasintahan at makalipas ang ilang taon ng pagiging live-in partners. Pero ayaw na munang magbigay ng iba pang detalye sina Kim at Je about the wedding.
"Ako po ang nag-decide nito. Tinanong din ako ni Jerald. Nu'ng kasing proposal ni Je, nagulat ako dahil naunang nalaman ng mga tao bago ko i-post kasi na-post agad yung full speech ni Jerald.
"So I think itong wedding na ito, sa amin na po muna siya. But of course, ise-share po naman namin on the day," katwiran ni Kim.
Kinumpirma rin ng aktres na ang sikat na fashion designer na si Mak Tumang ang gagawa ng kanyang wedding gown.
Si Mak ang nag-design ng mga evening gown nina Miss Universe 2018 Catriona Gray at Miss Universe 2025 3rd Runner-up Ahtisa Manalo.
Sa tanong kung bakit ngayong 2026 lang sila nagdesisyon ni Jerald na magpakasal, sey ni Kim, nag-ipon pa raw sila para maisakatuparan ang kanilang dream destination wedding.
Samantala, ipinagmamalaking ihandog ng Viva Films ang adaptation ng 2015 Korean blockbuster hit na "Wonderful Nightmare", ang kwento ng isang career woman na mapupunta sa katauhan ng isang housewife matapos maaksidente.
Ito ay pinagbibidahan ni Kim Molina, kasama si Jerald Napoles, sa ilalim ng direksyon ni RC Delos Reyes.
Si Atty. Ma. Luisa "Lui" Manuel (Kim) ay kilala bilang matinik na abogado na may malalaking kaso. Hindi ito nagpapakita ng emosyon kaya naman walang puso ang tingin sa kanya, pero sa katunayan, umiiwas lang ito na masaktan.
Bata pa lang ay naulila na si Lui, at dahil sa sunud-sunod na masamang pangyayari, pinangako niya sa sarili na hindi maghihirap at hindi mangangailangan sa lalaki at pag-ibig.
Ang kalkuladong buhay ni Lui ay biglang matatapos nang mabangga ang kanyang sasakyan. Magigising siya sa langit pero muling pababalikin sa lupa dahil hindi pa ito ang tamang oras ng kanyang kamatayan. Kailangan niyang mabuhay sa katawan ng isang babae sa loob ng isang buwan.
Sa muling paggising ni Lui, isa na siyang asawa ng isang simpleng empleyado na si Julian (Jerald) at ina ng isang teenager na babae na si Jaja (Althea Ruedas) at ng anim na taong gulang na si Justin (Archilles Wenceslao). Nakatira sila sa munting apartment.
Hindi makapaniwala si Lui na kailangan niyang alagaan ang kanyang temporaryong pamilya gamit ang maliit na sweldo ni Julian.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unting matututo na tanggapin ni Lui ang buhay niya bilang isang ina at asawa. Natutuwa naman si Lui sa pagiging mapagmahal na asawa at ama ni Julian kahit may pagka-corny ito. Ang bunsong anak na si Justin ay mabait at sweet rin, pero si Jaja ay may pagka-rebelde.
Sa bagong buhay na ito, magkakaroon rin si Lui ng mga bagong kaibigan: ang raketerang si Olga (Yumi Lacsamana), ang nagbebenta ng leche flan na si Sansan (Quinn Carillo), at ang pinaka-logical sa kanilang lahat na si Daisy (Divine Aucina).
Sa takbo ng kwento, alamin kung kailan at paano maiiba ang pananaw ni Lui sa kanyang bagong buhay.
Kung noon ay hindi niya pinangarap na magkaroon ng pamilya at makaranas ng pagmamahal at kaligayahan, ngayon ay isang bangungot na ang iwan ang pamilyang ito.
Pero isang buwan lang ang dapat niyang itagal at hindi maiiwasang magigising siya sa pinaka-magandang bagay na kanyang naranasan.
Ipalalabas sa mga sinehan ang "Wonderful Nightmare" sa February 25. Kasama rin dito sina Al Tantay bilang hepe ng Heaven's intermediary, Candy Pangilinan bilang reklamador at masungit na kapitbahay ni Lui, Krissha Viaje bilang kapwa abogado ni Lui, Jaycee Parker bilang nanay ni Lui, at marami pang iba.
The post Kim Molina, Jerald Napoles ikakasal na sa March, nag-ipon muna kaya na-delay appeared first on Bandera.

No comments: