Gab Cabangon nais patunayan ang sarili, nape-pressure bilang anak ng OPM legend?

HINDI biro ang apelyidong Cabangon sa mundo ng OPM, kaya naman para kay Gab Cabangon, ang pagiging anak ng folk music icon na si Noel Cabangon ay hindi lang karangalan…may kaakibat din itong pressure.
Sa isang exclusive interview ng BANDERA, inilarawan ni Gab kung sino siya bilang artist, hiwalay sa pangalan ng kanyang ama.
"Usually, I would joke around na isa akong nonchalant sad boy singer-songwriter…I'd like to think I'm an introspective singer-songwriter. I am a product of the influences of the music I grew up with, kasama na rin doon 'yung tatay ko," chika niya.
Aminado si Gab na hindi niya iniiwasan ang pressure, pero malinaw sa kanya kung ano ang gusto niyang patunayan.
Baka Bet Mo: Gab Cabangon nagpaalala ng pahinga, nag-share ng love sa 'Kama'
"There's always pressure to earn the respect. I also don't want people to respect me or give me favors just because I have a last name…I want people to genuinely believe na I'm a capable artist," sey ng singer-singwriter.
Alam naman nating lahat na si Noel Cabangon ay isa sa pinakakilalang haligi ng Filipino folk at protest music.
Nakilala siya sa mga kantang tumatalakay sa pagmamahal sa bayan, pamilya, at karaniwang karanasan ng Pinoy, na naging simbolo ng kamalayang panlipunan.
Bukod sa pagiging singer-songwriter, kinilala rin si Noel sa iba't ibang media bilang isa sa mga artistang matapat sa sariling tinig, gumagamit ng musika bilang paraan ng pagkukwento ng buhay ng ordinaryong Pilipino.
Isang pamana na hindi maiiwasang makaapekto sa musika at pananaw ng kanyang anak.
Para kay Gab, higit pa sa pangalan ang naiwan sa kanya ng kanyang ama.
"It's the excellence of craft na never settles for less. And hard work," sambit niya.
Dagdag pa ni Gab, ito ay aral na pareho niyang natutunan sa kanyang mga magulang, ang seryosohin ang ginagawa at huwag maglalabas ng musikang hindi niya kayang panindigan.
"I take my role as an artist very seriously…in my own way, I'm also representing Filipino culture," aniya.
Bagama't dala niya ang impluwensiya ng kanyang ama, malinaw kay Gab na gusto niyang bumuo ng sariling identity bilang artist, na mas introspective, mas personal, at mas nakaangkla sa karanasan ng kanyang henerasyon.
Sa hinaharap, bukas din siya sa mga collaboration, kabilang sina Angela Ken, Maki, at ang bandang Dilaw, na aminado siyang matagal na niyang hinahangaan.
Kasabay ng lahat ng ito, patuloy na hinuhubog ni Gab ang kanyang musika, kabilang ang kanyang bagong single na "Kama."
Isa itong soulful guitar-pop love song na nagsisilbing paalala na ang pahinga ay hindi kahinaan kundi pangangailangan, lalo na sa mundong laging nagmamadali.
<iframe width="560" height="315" src="https://www.youtube.com/embed/_jS_ncj_7nk?si=mimiBBzR8V5qveBw" title="YouTube video player" frameborder="0" allow="accelerometer; autoplay; clipboard-write; encrypted-media; gyroscope; picture-in-picture; web-share" referrerpolicy="strict-origin-when-cross-origin" allowfullscreen></iframe> Ang kanta ay inspirasyon ng sariling karanasan ni Gab sa sobrang trabaho at stress, at ayon sa kanya, handog din ito sa kanyang asawa at sa lahat ng nakararamdam ng pagod.
Sa "Kama," hinihikayat niyang maging mas mabait tayo sa sarili na puwedeng ipagpabukas ang problema at magpahinga muna.
Bilang bahagi ng promo ng kanta, magsasagawa si Gab ng mini bar tour sa Metro Manila, simula Friday, February 13, bago ang Valentine's Day.
Ibinunyag niya rin sa amin na mas marami pang musika ang paparating ngayong 2026.
Sa pagitan ng isang iconic na ama at ng sariling tinig na hinuhubog, patuloy na pinatutunayan ni Gab Cabangon na ang apelyido ay simula lang, dahil ang tunay na laban ay kung paano niya ikukwento ang sarili niyang kwento sa pamamagitan ng musika.
The post Gab Cabangon nais patunayan ang sarili, nape-pressure bilang anak ng OPM legend? appeared first on Bandera.

No comments: