‘Vice Ganda for President sa 2028’ ikinakampanya na, lalabanan si VP Sara?

MULI na namang nabuhay ang panawagan kay Vice Ganda na tumakbong presidente sa 2028 at kalabanin si Vice President Sara Duterte.
Pagkatapos ibandera ng award-winning filmmaker na si Lav Diaz ang kanyang suggestion na lumaban ang komedyante sa 2028 Presidential Elections, isang award-winning writer naman ang nangakong iboboto niya si Vice.
Ayon kay Jerry Gracio, dapat i-consider ng madlang pipol si Vice Ganda bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2028, base sa sunod-sunod niyang post sa Facebook.
"Seryoso ako sa Vice Ganda for President ha. Hindi siya corrupt, nakatapak ang paa niya sa lupa, alam niya ang likaw ng bituka ng masa dahil masa siya, hindi bahagi ng politikal na dinastiya, hindi politiko, hindi elite, hindi nakahulma sa lahat ng tradisyonal na politika na alam natin," pahayag ng manunulat.
Nagpadala na rin daw siya ng mensahe kay Vice para kumbinsihin itong tumakbong presidente ng Pilipinas.
"In fact, na-message ko na siya. 'Hindi pa ako sapat,' sagot niya. Kaya lalo akong nakumbinsi na puwede siya. 'Yun lang umaamin na hindi siya sapat ang may karapatan na maglingkod sa bayan dahil hindi niya iisipin na siya lang ang magliligtas sa bayan.
"Dapat ibinibigay ang kapangyarihan sa mga hindi interesado sa kapangyarihan. Gusto ninyo ng out of the box? Si Vice," ang punto pa niya.
Sa isang hiwalay na Facebook post, inihalintulad din ni Gracio si Vice Ganda sa presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy.
"Komedyante si Vice Ganda, paano siya magiging presidente? Pero komedyante rin sa TV ang Presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy na tumitindig ngayon sa giyera kontra Russia. Kung sakali, hindi si Vice Ganda ang unang komedyanteng presidente.
"Baka kailangan natin ng komedyante para pagaanin ang bigat ng ating mga buhay.
"Naghahanap tayo palagi ng ideal na presidente. Pero mananatiling idea ang ideal na presidente kapag hindi siya nanalo.
"Ang kailangan ng bayan ngayon ay isang presidente na hindi corrupt, hindi politiko, hindi bahagi ng kahit anong politikal na dinastiya at hindi mangungutangan ng loob sa mga negosyante at trapo, kundi sa bayan mismo na magluluklok sa kanya.
"Gusto ninyo ng out of the box? Vice Ganda for President!" ang pangangampanya pa ni Gracio.
Pagpapatuloy pa niya, "Hindi ko kilala nang personal si Vice Ganda, hindi ko siya nakatrabaho o nakausap, nasulyapan lang minsan sa ELJ Building. Ang unang interaction ko sa kanya ay nang mag-message siya sa akin para klaruhin ang isang Tweet ko tungkol sa kaibahan ng pag-ibig at pagmamahal. Gusto niyang maintindihan nang malinaw ang sinasabi ko.
"Walang politiko na pag-iisipan ang malalim na kahulugan ng pagmamahal at pag-ibig, o ang kaibahan nito. At sa kalagayan ng bayan ngayon, kailangan natin ng Presidente na nag-iisip nang malalim, ng mga kahulugan at kabuluhan, ng pagmamahal, ng pag-ibig. Gusto ninyo ng out of the box? Vice Ganda for President."
Nauna nga rito, matapang na sinabi ng premyadong direktor na si Lav Diaz na gusto niyang tumakbong pangulo si Vice para labanan si VP Sara na posibleng tumakbo sa 2028.
"Seryoso 'yan ha, seryoso, kasi napaka-bleak ng future 'pag hindi natin mawasak 'yong wall na 'yon, 'yong 'Sara Duterte wall,' which is coming which is coming," ang sabi ng direktor, sa podcast nina Direk Antoinette Jadaone at JP Habac na "Ang Walang Kwentang Podcast" na umere noong September 11, 2025.
"The nightmare is coming. It's only two years away so we need to act. Gamitin natin ang pop culture to destroy that.
"Sino bang pinaka-icon sa pop culture ngayon? Vice Ganda. At maganda rin ang pananaw ni Vice. Gamitin natin, let's use that. Kasi 'yon na 'yong labanan eh, mythologizing with making. Gano'n ang populist leaders eh," sabi ni Direk Lav.
Pero sa isang panayam kay Vice Ganda, sinabi niyang wala pa siyang balak na passion ang mundo ng politika.
The post 'Vice Ganda for President sa 2028' ikinakampanya na, lalabanan si VP Sara? appeared first on Bandera.

No comments: