Traslacion 2026 inabot ng halos 31 oras, pinakamatagal sa kasaysayan

MATAPOS ang halos 31 oras, nakabalik na rin sa Quiapo Church ang imahe ng Poong Jesus Nazareno!
Ayon sa mga opisyal ng simbahan na iniulat ng INQUIRER, dumating ang andas sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno eksaktong 10:50 a.m. nitong Sabado, January 10, matapos umalis sa Quirino Grandstand ng 4:00 a.m. noong Biyernes, January 9.
Dahil diyan, gumawa ito ng bagong record bilang pinakamahabang Traslacion sa kasaysayan ng pista na inabot ng 30 oras at 50 minuto.
Magugunita noong nakaraang taon, tumagal ang prusisyon ng 20 oras at 45 minuto, habang noong 2024 ay nasa 14 oras at 59 minuto.
Baka Bet Mo: Kiray Celis humiling magka-baby sa Traslacion 2026; Angeline Quinto nagtanghal
Iniulat din ng Manila Public Information Office na umabot sa 7,337,700 ang mga deboto na nakilahok sa ika-27th hours ng prusisyon.
Bukod sa pagiging pinakamatagal, tinagurian din ang 2026 Traslacion bilang isa sa pinaka-"eventful" sa kasaysayan.
Marami ang naging ganap sa kasagsagan ng prusisyon, kabilang na 'yung mga ulat na naputol ang lubid at nasira ang gulong sa umpisa pa lang ng Traslacion.
Nakakagulat din na apat na oras lang ang inabot ng andas sa Arlegui Street, dahilan para sabihin ng Quiapo Church na posibleng matapos ang prusisyon ng higit 21 oras, kabaligtaran sa orihinal na plano na matatapos ito sa loob ng 15 oras.
Isa pa sa mga naging highlight ay 'yung inabot ng mahigit isang araw o 24 oras bago makarating ang andas sa Minor Basilica of San Sebastian Church, na naging dahilan upang pagdesisyunan ng mga opisyal ng Quiapo Church na pansamantalang itigil ang prusisyon at ipahinto muna ang imahe sa nasabing simbahan.
Ngunit hindi sumunod ang mga deboto at ang Hijos del Nazareno, kaya hinila nila ang andas palabas ng San Sebastian at ipinagpatuloy ang ruta papuntang Quiapo Church.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 1,700 ang naitalang insidente sa Quiapo Church Command Post, dalawa rito ay nasawi.
The post Traslacion 2026 inabot ng halos 31 oras, pinakamatagal sa kasaysayan appeared first on Bandera.

No comments: