Super Flu kumakalat sa ibang bansa, DOH nagbabala sa mga biyahero

PARA sa Department of Health (DOH), hindi alarming ang "super flu" na kumakalat sa ibang bansa.
Pero nagbigay sila ng payo sa mga kababayan natin na nagbabalak bumiyahe sa malamig na lugar.
Ang panawagan ng ahensya ay dapat mag-ingat at magpabakuna.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nakapagtala na ang Pilipinas ng 17 kaso ng bagong flu variant noong nakaraang taon, at lahat ng pasyente ay gumaling na.
"We've actually detected about July, August, about 17 cases that were determined to be of the new subclass of the super flu. All of them have recovered," sey ni Herbosa sa isang press briefing sa Malacañang.
Baka Bet Mo: DOH: Stroke, heart attack cases dumami ngayong Kapaskuhan
Paliwanag niya, ang flu ay seasonal at karaniwang gumagaling nang kusa, maliban na lang sa mga high-risk na grupo gaya ng matatanda, may malalang karamdaman, at may mahinang immune system.
Sabi pa ni Herbosa, ang sobrang lamig na panahon sa US at UK ang dahilan kung bakit lumalala ang flu doon.
"Matindi, malamig na malamig kasi doon ngayon," saad ni Herbosa at sinabing nakakatulong ang malamig na klima sa mabilis na pagkalat at mas seryosong kaso ng sakit.
Sa kabilang banda, ang karaniwang panahon daw ng flu sa Pilipinas ay kasabay ng tag-ulan.
Patuloy pa rin ang DOH sa pagrekomenda ng flu vaccination, lalo na sa high-risk groups, gamit ang Southern Hemisphere influenza vaccine na may proteksyon laban sa kasalukuyang influenza A strains.
"As long as makapagpa-vaccinate iyong high-risk," saad ng kalihim.
Nang tanungin kung nakakaalarma ang sitwasyon, ang sagot ni Herbosa: "Not alarming, but there is a new variant out there."
Dagdag niya, "If you're going to North America or the UK, maybe get the Northern Hemisphere vaccine."
Ayon sa DOH, patuloy nilang binabantayan ang flu trends sa pamamagitan ng kanilang surveillance system bilang bahagi ng routine public health preparedness.
The post Super Flu kumakalat sa ibang bansa, DOH nagbabala sa mga biyahero appeared first on Bandera.

No comments: