Paolo Gumabao ‘di nadalaw amang nakakulong nu’ng Pasko: Babawi ako

HINDI nadalaw ni Paolo Gumabao sa kulungan ang kanyang amang si Dennis Roldan nitong nagdaang Pasko at Bagong Taon.
Napakarami raw kasi niyang ganap bago matapos ang 2025 hanggang ngayong mga unang linggo ng January, 2026 kaya naging busy siya sa mga commitments niya sa trabaho.
"Hindi ako nakabisita this Christmas. Pero, last year o noong 2025, kalagitnaan, bumisita naman ako! Nakabisita naman ako," ang paliwanag ni Paolo nang makachikahan ng media sa presscon ng latest movie niyang "Spring in Prague."
"Ako talaga, hindi nakadalaw. Kasi prior sa pagpunta ko sa Taiwan, nag-shoot din ako ng pelikula. Nagkaroon pa ako ng stage play, then nag-Taiwan nga ako.
"Pero siyempre, dadalawin ko siya one of these days. Babawi ako," ang pangako ni Paolo sa ama na nakakulong pa rin hanggang ngayon.
Natanong ang aktor kung ano ba ang napag-uusapan nilang mag-ama kapag dinadalaw niya ito, "Nag-usap lang kami about my career. Ang pinakanapanood lang kasi niya sa akin, siyempre 'pag pelikula, medyo hirap siyang manood, dahil hindi naman lahat ng mga pelikula ko napapanood sa TV, eh.
"So, ang pinakanapanood lang niya sa akin ay ang 'Batang Quiapo', kasi may TV naman sa loob ng kulungan, eh. So, napapanood niya ang mga eksena ko.
"Ang pinapayo lang niya sa akin, na oo nga raw, 'yung pagiging kontrabida, maganda rin naman daw, pero sana raw, maghanap ako ng way na maging bida naman.
"Na huwag daw akong mag-stick sa pagiging kontrabida, na mag-try rin ako ng iba't ibang role. Mga ganu'n lang naman napag-usapan," pagbabahagi ni Paolo.
In fairness, natupad naman ang wish ni Dennis Roldan na maging bida siya, iyan nga ay sa pelikulang "Spring in Prague" under Borracho Film Productions na pag-aari ni Atty. Ferdinand Topacio.
Kinunan ang pelikula sa Prague, Czech Republic, "First time kong gumawa ng pelikula na mabait ang character, na lover boy ako, na walang hinahabol na masama. Challenging ang pelikula na ito sa akin, kasi kailangan ko talagang ipakita na leading man ako.
"Hindi naman kasi ako sanay sa pangiti-ngiti lang, dahil mas sanay ako na nakasimangot ako, na nang-aakit ako. Puro ganu'n kasi ang mga ginawa ko before.
"Pero dito sa 'Spring in Prague' kailangan ko talagang ipakita na natural ang acting natin, na lover boy ako. Pero ang saya ng experience ko sa Prague. Bukod sa malamig talaga, ang ganda ng scenery," aniya pa.
"We're shooting scenes and the weather was -10 degrees. Nanginginig na ang bibig mo then makakalimutan mo na ang lines mo dahil nangingibabaw na 'yung lamig."
"We also shot scenes in the Charles Bridge, an iconic site in Prague. That was memorable for me," pag-alala pa ni Paolo.
Ang "Spring in Prague" ay mula sa direksyon ni Lester Dimaranan at kasama rin ang Czech actress na si Sara Sandeva, ang love interest ni Paolo, sina Marco Gomez, Elena Koziova, Ynah Zimmerman, Keahnna Reyes, Tori Topacio, at Esel Ponce.
The post Paolo Gumabao 'di nadalaw amang nakakulong nu'ng Pasko: Babawi ako appeared first on Bandera.

No comments: