Mark Villar: Umandar sa Senado ang panukalang Philippine Geriatric Center

MAS napapalapit sa pag-apruba ang panukalang batas sa Senado na naglalayong magtatag ng pambansang pasilidad para sa geriatric care matapos tapusin ng mga mambabatas ang yugto ng interpellations noong December 2025, ayon kay Sen. Mark Villar.
Si Villar, pangunahing may-akda at co-sponsor ng panukalang Philippine Geriatric Center Act, ay nagsabing nakahanda na itong umusad sa ikalawa at ikatlong pagbasa, mga hakbang na magdadala rito sa mas malapit na pagpasa sa kapulungan.
"Ang pokus ng panukalang ito ay palaging pagaanin ang pasanin ng ating mga nakatatanda at ng kanilang mga pamilya," sey ni Villar sa isang pahayag, kasabay ng pagbibigay-diin sa inaasahang pagdami ng populasyon ng matatanda sa mga darating na taon.
Aniya, layunin ng panukala na matiyak na makatatanggap ang mga nakatatandang Pilipino ng "marangal at komprehensibong pangangalaga" na angkop sa kanilang pangangailangan, habang nababawasan din ang bigat na dinadala ng mga pamilyang kadalasang nag-aalaga.
Baka Bet Mo: Mark Villar isinusulong ang PH Scam Prevention Center vs. lumalalang online scam
Kapag naisabatas, lilikha ang panukala ng Philippine Geriatric Center bilang tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH), na inaasahang magsisilbing pangunahing pasilidad ng bansa para sa geriatric medicine, pananaliksik, at pagsasanay.
Nakapaloob din sa panukala ang mas mahigpit na koordinasyon ng DOH, mga local government unit (LGU), at iba pang sektor upang palawakin ang pinagsama-samang serbisyong pangkalusugan para sa matatanda sa buong bansa.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukalang batas ang:
- Pagpapalakas ng mga serbisyong geriatric at mga programa sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga LGU at iba pang katuwang;
- Pagtataguyod ng pananaliksik, edukasyon, at pagsasanay sa geriatrics at mga kondisyong kaugnay ng pagtanda upang makabuo ng mas bihasang workforce sa kalusugan; at
- Pagsulong ng integrated approach sa serbisyong pangkalusugan, kabilang ang preventive care, rehabilitasyon, at multidisciplinary treatment na nakatuon sa mga nakatatanda.
Ayon sa mga sumusuporta sa panukala, makatutulong ang planong sentro at kaugnay na mga reporma upang mapabuti ang access ng mga senior citizen sa espesyalisadong serbisyong medikal at posibleng mabawasan ang gastusing dulot ng pagpapagamot at pagpapa-ospital ng mga pamilya sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga opsyon at ekspertong pangangalaga sa loob ng sistemang pangkalusugan.
Nanawagan si Villar sa mga kapwa-mambabatas na suportahan ang mabilis na pagpasa ng panukala, at iginiit na ang pamumuhunan sa geriatric care ay makabubuti hindi lamang sa mga nakatatanda kundi pati sa mga pamilyang umaalalay sa kanila.
Inaasahang tatalakayin pa ito sa plenaryo para sa pag-apruba sa ikalawa at ikatlong pagbasa bago ito umusad sa susunod na yugto ng proseso ng paggawa ng batas.
The post Mark Villar: Umandar sa Senado ang panukalang Philippine Geriatric Center appeared first on Bandera.

No comments: