KCC inilunsad ang ‘Kwentong Korea’ film contest, may trip to Busan ang winner!

MULA sa classrooms hanggang sa red carpet sa Busan!
Ito ang magiging peg para sa mga kabataang filmmaker na magwawagi sa bagong film contest ng Korean Cultural Center (KCC) Philippines.
Opisyal na kasing binuksan ang 2026 Student Short Film Competition na may temang "Kwentong Korea."
Matapos ang matagumpay sa unang short film contest noong nakaraang taon, muling pinatunayan ng KCC na seryoso sila sa paghubog ng mga estudyanteng filmmaker at pagpapalago ng cultural exchange sa pamamagitan ng sine.
Baka Bet Mo: Korea-Philippines lantern display ibinandera na sa Intramuros at Taguig
Sa bagong tema, hinahamon ang mga kalahok na tuklasin ang kultura, kwento, at karanasan ng Korea pero may Pinoy twist!
Ang film contest ay pwede sa lahat ng undergraduate at graduate students sa buong bansa.
May humigit-kumulang anim na buwan para i-conceptualize, i-produce, at isumite ang kanilang mga short film.
At syempre, may bonggang premyo! Ang mananalo ay magkakaroon ng trip sa South Korea para dumalo sa prestihiyosong Busan International Film Festival (BIFF) sa darating na Oktubre.
Isa itong bihirang pagkakataon para makihalubilo sa global film industry at makakuha ng inspirasyon mula sa international filmmakers.
Hindi rin mawawala ang pagkakataong maipakita ang galing ng mga estudyante sa mas malawak na audience dahil ang top three entries ay ipapalabas din sa taunang Korean Film Festival sa Agosto.
Ayon sa KCC Philippines, ang ikalawang taon ng Student Short Film Competition ay patunay ng kanilang sigla at commitment sa bagong taon upang patuloy na itaguyod ang Korean culture at palakasin ang kabataang Pinoy sa pamamagitan ng sining.
Para sa mga interesado, makikita ang kompletong guidelines at registration form dito:
- Competition Guidelines: bit.ly/2026ShortFilmGuidelines
- Submission Form: bit.ly/2026FilmRegistration
Para sa karagdagang impormasyon, pwede rin mag-email sa info@koreanculture.ph.
The post KCC inilunsad ang 'Kwentong Korea' film contest, may trip to Busan ang winner! appeared first on Bandera.

No comments: