Bam inalala ‘host era’, hirit kay Bianca: Mukhang tumatanda na talaga tayo

NAPA-THROWBACK si Sen. Bam Aquino sa kanyang karanasan bilang host kasunod ng pag-anunsiyo ng pagbabalik ng youth-oriented, semi-debate show na "Y Speak" sa telebisyon.
"Happy that #YSpeak is coming back! Time for the next generation to make their voices heard," ang sabi ni Sen. Bam sa isang post sa social media.
Isa ang senador sa mga naging host ng "Y Speak," na umere noong kalagitnaan ng 2000s at nagsilbing plataporma para sa mga kabataan upang ibahagi ang kanilang pananaw sa mahahalagang isyu.
"Para sa mga Gen Z (at sa mga medyo nakalimot na), ang Y Speak ay isang youth-oriented show na may semi-debate format na umere noong mid-2000s at naging iconic para sa henerasyon ng mga kabataan noon.
"At sa mga nakasama ko noon sa Y Speak, hello Bianca Gonzalez at sa buong barkada. Mukhang tumatanda na talaga tayo. Sana hindi pa sumasakit ang mga likod n'yo," dagdag pa niya, na sinagot naman ni Bianca ng "Yessss."
Sa isang hiwalay na post sa social media, inanunsyo ni Fr. Tito Caluag na sasamahan ng "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition" Season 1 housemates na sina Ralph de Leon at River Joseph ang mga aktor na sina Elijah Canlas at KD Estrada bilang mga bagong host ng nagbabalik na debate show na "Y Speak."
"'Y Speak' will be a civics education and formation program focusing primarily on the youth as its main audience. It will air across different platforms and two networks," sabi ni Fr. Caluag, na magsisilbing executive director ng programa.
Bago pumasok sa pulitika, kilala si Bam bilang youth leader. Nagsilbi siyang pangulo ng University Student Council ng Ateneo de Manila University bago naging chairperson ng National Youth Commission (NYC) mula 2003 hanggang 2006.
Sa kanyang unang termino bilang senador, pinamunuan niya ang Committee on Education at Youth, kung saan isinulong niya ang mga polisiya at programang nakatuon sa kapakanan ng kabataan.
Itinulak din niya ang pagpasa ng Libreng Kolehiyo bilang principal sponsor nito sa Senado.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado, nagtrabaho si Sen. Bam—na ngayon ay chairperson ng Senate Committee on Basic Education—para matiyak ang pagtaas ng budget ng edukasyon sa P1.34 trilyon, na siyang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
The post Bam inalala 'host era', hirit kay Bianca: Mukhang tumatanda na talaga tayo appeared first on Bandera.

No comments: