Aray ko! Dagdag-gastos na naman sa kuryente dahil sa FIT-All, GEA-All

MARAMI na ang nakapagsabi na mas mura ang renewable energy o RE tulad ng solar at wind dahil libre nga naman ang araw at hangin.
Wala na raw babayarang gatong katulad ng coal, oil, o natural gas na mga fossil fuels na inaangkat ng Pilipinas.
Ngunit kung kilos-protesta na agad ang inaabot ng pagtaas ng kuryente dahil sa kalakalang merkado, ano pa kaya dito sa dagdag singil na feed-in tariff allowance (FIT-All) at Green Energy Auction allowance (GEA-All) na para raw sa renewable energy?
Bakit kinakailangang magbayad ng konsyumer ng P0.2011/kWh sa FIT-All at P0.0371/kWh sa GEA-All (na tataas pa raw sa mga susunod na taon)? Bakit kailangan ng dagdag "allowance" kung "mura" naman ang RE? Totoo ba ang paulit-ulit na sinasabi ng mga renewable energy advocates, NGOs, at consumer groups na mura ang RE? Kung tunay na mura ang RE, hindi ba dapat ito ay nagdudulot ng bawas singil sa kuryente?
Baka Bet Mo: Murang kuryente inaasahan bunga ng bagong WPS oil supply – Cayetano
Ang sagot: Hindi naman talaga mura ang RE at mga konsyumer din ang sasalo sa mga gastos ng pagpapalaganap nito.
Kahit libre ang araw at hangin, kailangan naman ng iba pang planta ng kuryente (coal at gas) o kaya'y mga baterya upang tugunan ang solar at wind tuwing gabi at kapag walang sapat na hangin, rason ng "allowance" at taas na singil sa konsyumer.
Dahil na rin dito, kinakailangan natin magtayo at mag-maintain ng dalawa o tatlong sistema na mapagkukunan ng enerhiya, sa halip na isa lamang!
Ito ang hindi sinasabi sa atin ng mga renewable energy advocates, NGOs, at consumer groups.
Usap-usapan pa nga na tataas pa ang GEA-All lampas P1/kWh sa 2030 dahil sa taas ng halaga ng investment na kailangan sa pagpapagawa ng offshore wind o mga turbina na nakatusok sa dagat.
Ayon sa Asian Development Bank, tinataya na aabot ng P12-15/kWh2 ang kuryente mula dito, hamak na mas mataas sa P3.98/kWh ng WESM noong Nobyembre ng 2025.
Nais pa ng gobyerno na paramihin ang kapasidad ng offshore wind sa parating na Green Energy Auction o GEA-5.
Dapat tanungin: bakit kailangan magtayo ng offshore wind kung ang kuryente nito ay ganitong kamahal? Mawawala ba ang mga mapaminsalang bagyo sa ating bansa pag meron na tayong offshore wind?
Mas maraming offshore wind, mas maraming kakailanganing port at imprastrakturang nakalubog sa dagat, mas maraming puhunan na ibabawi at isisingil sa pamilyang Pilipino.
The post Aray ko! Dagdag-gastos na naman sa kuryente dahil sa FIT-All, GEA-All appeared first on Bandera.

No comments: