ALAMIN: ‘Self-care’ tips matapos ma-stress, mapagod sa holiday

PAGKATAPOS ng masayang holiday season, marami sa atin ang nakararamdam ng pagod, lungkot, o pagka-drained.
Pero alam mo ba na normal lang maramdaman ang lahat ng 'yan.
Ayon sa Licensed Clinical Psychologist na si Tricia Zafra, mahalagang kilalanin at i-normalize ang nararamdaman natin upang masimulan ang maayos na self-care ngayong bagong taon ng 2026!
"Isa sa mga praktikal na hakbang sa self-care ngayong Enero ay ang pagkilala sa emosyon. Tanungin ang sarili, 'Ano ba ang nararamdaman ko? Pagod ba? Lungkot?'. Normal lang ang lahat ng ito, lalo na pagkatapos ng holiday season na puno ng mga activities at gastos. Marami sa atin ang nai-stress sa pagbabalik sa trabaho o eskwelahan. Okay lang kung hindi ka pa 100% sa pagbubukas ng taon," paliwanag ni Zafra.
Baka Bet Mo: Catriona pinaandar ang 'self-care' goals para sa 2025: 'I'm prioritizing it'
Ayon sa kanya, isa sa unang hakbang ay ang unti-unting pagsasaayos ng routine.
"Ayusin muna ang tulog. Hindi kailangang baguhin agad ang buong buhay—unahin ang pagtulog at paggising sa tamang oras. Kasama rin dito ang pagkain ng masustansya at balanseng pagkain. Kung may plano kayong mag-ehersisyo, siguraduhing kaya itong isama sa lifestyle at oras ninyo, kahit paunti-unti lang sa simula," sey ng licensed clinical psychologist.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang mga simpleng self-care practices gaya ng mga sumusunod:
- Pag-inom ng sapat na tubig araw-araw.
- Paglaan ng ilang minuto ng katahimikan at paghinga nang malalim, walang distractions mula sa gadgets.
- Paglilinis o pag-aayos ng maliit na parte ng bahay o workstation.
- Pagkonekta muli sa mga kaibigan at mahal sa buhay para makipagkwentuhan, kahit na wala namang seryosong problema na kailangang lutasin.
"Ngayong simula ng taon, marami ang nakakaramdam ng pressure na maging 100% okay at productive agad. Ang pinakamahalaga ay maging pasensyoso sa sarili at tanggapin ang nararamdaman. Kung pagod, magpahinga. Kung may sakit, magpagamot. At kung nasa crisis, may mga mental health hotline ang DOH at National Center for Mental Health na pwedeng tawagan. Huwag matakot mag-reach out—may tulong na available," payo ni Zafra.
Sa simpleng pagkilala sa sarili at unti-unting pag-aalaga sa katawan at emosyon, mas magiging maayos at sustainable ang pagsisimula ng taon.
Samantala, kung ikaw o may kakilala kang nangangailangan ng tulong, pwedeng tawagan ang National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotlines sa 1553 (Nationwide landline toll-free), 1800-1888-1553, 0919-057-1553, 0917-899-USAP(8727).
Pwede rin ang Hopeline PH: 0917-5584673, 0918-8734673, 88044673 or bisitahin ang website na ngf-mindstrong.org at ang Facebook account: Hopeline PH.
The post ALAMIN: 'Self-care' tips matapos ma-stress, mapagod sa holiday appeared first on Bandera.

No comments: