BREAKING NEWS

Vice Ganda, Rei Tan sanib-pwersa sa pagbibigay ng scholarship sa kabataan

Vice Ganda, Rei Tan sanib-pwersa sa pagbibigay ng scholarship sa kabataan
Vice Ganda, Rei Tan at Ion Perez

IBA talaga ang dating ni Vice Ganda dahil pati ang binatilyong anak ng matagumpay na entrepreneur na si Ms. Rei Anicoche Tan ay na-starstruck sa kanya.

Nangyari ito sa isinagawang pictorial ng TV host-comedian sa AK Studios na pag-aari mismo ng President at CEO ng Beautéderm.

Base sa BTS o behind-the-scene ng photoshoot ni Vice ay masayang nanonood  ang panganay ni Ms. Rei at may halo itong kilig dahil ang ganda ng kanyang ngiti habang katabi ang mommy niya.

Inamin din naman ito ni Ms. Rei na magkasama silang kinikilig ng anak (sa pictorial) sa ginanap na contract signing at launch ng Belle Dolls New Faces sa Solaire Resort North nitong Lunes, Nobyembre 17 nina Vice at Ion Perez.

Gustung-gusto ni Ms. Rei si Vice noon pa pero hindi niya alam kung paano ito ia-approach at nang magkaroon na sila ng komunikasyon ay medyo natagalan pa bago natuloy  ang deal nila – ito ngang pagiging brand ambassador ng Belle Dolls at kasama pa si Ion na kababayan ng Lady CEO.

Kuwento ni Ms. Rei, "Pinag-pray namin ito, nagme-message kami, 'Ano na Achi (Vice)?' Kasi Achi ang tawagan namin. Kasi busy din siya, may mga show pa sa abroad. Tapos sabi ko, bakit paurong nang paurong?

"Tapos nasaktong birthday ko pa, birth month ko pa. Pag si Lord ang gumawa ng way, the Lord is always on time. Naniniwala tayo sa timing na iyon. At heto na nga sa rami ng A-Listers natin, matagal ko nang dream na makasama sa Beautéderm family si Achi. Tapos may bonus pa, si Ion, napakabait ni Ion," saad ni Ms. Rei.

Sumakto pa na bukod sa birth month ng successful businesswoman ngayong Nobyembre ay nagdiriwang din ng 16th anniversary ang Beautéderm kaya ang saya rin ng mag-partner na sina Vice at Ion dahil napabilang sila sa pamilya ng beauty company.

Labis na nagpapasalamat sina Vice at Ion kay Ms. Rei dahil ito ang unang beses nilang magkasama bilang endorsers.

Sabi ni Vice, "Masaya kami ni Ion na makapiling kayo (press at bloggers) at ini-introduce kami ni Ms. Rhea Tan, the very beautiful Achi of mine. Sixteen years na ang Beautéderm, sweet 16, at sweet couple ang kasama niyo. Kaya nakakatuwa. We are just both grateful to be part of this Unkabogable Phenomenal family."

Naikuwento ng Unkabogable Superstar na matagal nang tumutulong si Ms. Rei sa mga adbokasiya niya tulad ng pagbibigay ng scholarship at take note, wala pa silang kontrata noon.

"Kahit noong hindi pa official, kahit wala pa kaming kontrata, we have been working together for a good cause for the society, for the community, for our kababayans. I'm just so thankful. 

"Thank you for everything that you do. Thank you for everything that you plan to do not just for yourself, not just for your company, but also for the community. I'm so grateful to be associated with you," sabi ni Vice kay Ms. Rei.

At hindi rin nakalimot magpasalamat ni Ion dahil nang malaman nitong pareho silang Kapampangan ni Ms. Rei ay mas lumakas na ang loob ng binata.

Say ni Ion, "Iba kasi yung pakiramdam kapag may nakakausap ka na pareho kayong nagsasalita ng Kapampangan. Nagiging kumportable talaga ako. Thank you kay Ms. Rei Tan."

Napag-usapan din ang pagiging health buff ni Ion at isini-share niya ito sa kanyang partner na si Vice at sinasabihan nitong itigil na ang pagkain ng unhealthy food. Sabi pa ng binata, gusto niyang makasama pa ng matagal ang TV host kaya inaalagaan niya ito.

Sumakto rin ang pagkuha ni Ms. Rei kay Ion bilang endorser ng iba't ibang variant ng Belle Dolls drink tulad ng Collagen Juice Drink Avocado and Kiwi Flavored, Stem Cell Juice Drink na Strawberry Lychee Flavored, Caramel Macchiato Healthy Coffee, at Black Coffee Decaf with Vice siyempre dahil nga conscious din sa health niya ang Lady boss.

"Ganu'n din kasi ako tulad ni Ion na pinipili ang pagkain kaya sila ang right faces bilang bagong ambassadors natin gaya ko, I'm turning 45 (sa November 26) and 99 pounds kaya dapat maging healthy tayo kasi paano natin aalagaan ang ibang tao kung sarili natin hindi natin maalagaan?" ani Ms. Rei.

Samantala, parami na nang parami ang binibigyan ng full scholarship assistance ni Ms. Rei kabilang na ang mga anak ng kanyang mga empleyado.

"Sabi ko kay Achi na willing akong tumulong at tatlo pa lang 'yung ibinibigay niya sa akin," sambit ni Ms. Rei.

Isa pang revelation kung bakit may mga scholars si Vice ay dahil produkto rin siya ng scholarship mula sa taong hindi niya nakita o nakilala man lang.

Kuwento ni Vice, "I was once like them, I was once a kid who was sent to school by someone I did not meet in person."

Isang Haponesa ang nagpaaral kay Vice mula elementarya hanggang kolehiyo na hindi niya nakakalimutan ang pangalan at address nito sa Japan.

At laging pinapadalhan ni Vice noon ang nagpaaral sa kanya ng sulat para i-update ang kalagayan niya at nagpapasalamat na rin.

Nang magkaroon na ng chance na makapunta ng Japan si Vice noon ay sinikap niyang hanapin ito pero nabigo siya dahil ang alam niyang address ay hindi na residential.

The post Vice Ganda, Rei Tan sanib-pwersa sa pagbibigay ng scholarship sa kabataan appeared first on Bandera.


Vice Ganda, Rei Tan sanib-pwersa sa pagbibigay ng scholarship sa kabataan Vice Ganda, Rei Tan sanib-pwersa sa pagbibigay ng scholarship sa kabataan Reviewed by pinoyako on November 18, 2025 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close