BREAKING NEWS

#SerbisyoBandera: QC pinalawak trabaho para sa PWDs, mahigit 500 na natulungan

#SerbisyoBandera: QC pinalawak trabaho para sa PWDs, mahigit 500 na natulungan
PHOTO: Facebook/Quezon City Government

TODO ang suporta ngayon ng pamahalaang lungsod ng Quezon City para sa persons with disabilities (PWDs) matapos pormal na maisabatas ang programang magbibigay sa kanila ng mas maraming oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Sa ilalim ng City Ordinance SP-3469, S-2025, isinabatas na ng lungsod ang flagship program na “Kasama Ka sa Kyusi Program” o KKSK na layong tulungan ang mga PWD na makahanap ng disenteng trabaho at pangmatagalang kabuhayan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mahalagang mabigyan ng patas na oportunidad ang mga PWD at hindi dapat tingnan ang kanilang kapansanan bilang hadlang.

“Karapatan ng ating persons with disabilities sector na magkaroon ng sapat at makabuluhang oportunidad upang makapagtrabaho at magkaroon ng dignified na kabuhayan,” sey ng alkalde.

Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: 8 public schools sa QC tipid-kuryente dahil ‘solar-powered’ na

Patuloy niya, “Sa Quezon City, hindi natin tinitingnan ang kapansanan bilang limitasyon, kundi bilang pagkakataon upang mas mapalawak ang inclusivity at empowerment sa ating lipunan.”

Sinimulan noong 2023 sa pangunguna ng Quezon City Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO), tumutulong ang KKSK Program sa mga PWD sa pamamagitan ng skills training, assessment, job matching at job placement upang matiyak na swak sa kanilang kakayahan at interes ang mapapasukang trabaho.

As of March 2026, mahigit 500 beneficiaries na ang nabigyan ng trabaho sa ilalim ng programa.

Mas pinatatatag rin ng ordinansa ang pagsunod ng lungsod sa Republic Act No. 10524 na nag-uutos na kahit isang porsiyento ng mga posisyon sa gobyerno ay ilaan para sa persons with disabilities.

Sa ngayon, may 731 PWD employees na nagtatrabaho sa pamahalaang lungsod ng Quezon City bilang contractual, job order, at permanent employees. 

Katumbas ito ng 3.12 percent ng kabuuang workforce ng lungsod na may 23,440 empleyado, lampas pa sa itinakdang minimum requirement ng batas.

Nakipag-partner na rin ang QC PDAO sa malalaking kumpanya gaya ng Jollibee Foods Corporation, Shakey’s Pizza Asia Ventures Inc., at Cabalen upang mas marami pang inclusive workplaces ang mabuksan para sa PWDs.

Dahil sa mga partnership na ito, 95 deaf individuals ang natanggap sa trabaho noong nakaraang taon.

“The local government remains committed to ensuring that our Persons with Disabilities — or persons with determination — are given enough and meaningful opportunities to work, grow, and contribute to society. Inclusive employment is not just about jobs; it is about dignity, independence, and recognizing the value that every individual brings to the community,” dagdag ni Mayor Joy.

Isa sa mga natulungan ng programa ay si Rafael, isang deaf employee na ngayo’y regular employee na sa Cabalen.

Ibinahagi niyang dati ay hirap na hirap siyang makahanap ng trabaho dahil paulit-ulit siyang nare-reject matapos malaman ng mga employer na siya ay deaf.

“Tambay lang ako noon. Nakakapagod kasi wala akong ginagawa. Gusto kong magtrabaho pero palaging rejected,” kwento niya.

Umabot umano siya sa walong establisimyento na inaplayan pero lagi siyang hindi natatanggap.

“Nakakapagod at nakakawala ng pag-asa,” wika pa niya.

Sa tulong ng kanyang pamilya at ng city government, nakapagtapos siya ng NC II certifications sa Cookery at Bread & Pastry Production sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority.

Ngayon, dalawang taon na siyang regular employee sa Cabalen at natutulungan na niya ang kanyang pamilya, kabilang ang gastusin sa pagpapagamot ng kanyang mga magulang.

“Masaya ako. May sweldo na ako. Natutulungan ko na ang pamilya ko,” aniya.

Sa ilalim ng KKSK Program, sumasailalim muna sa interviews at job assessments ang mga aplikante bago sila maitugma sa mga bakanteng trabaho sa city government o partner companies depende sa kanilang kakayahan.

Kapag maganda ang performance, maaari rin silang mabigyan ng contract-of-service o plantilla positions sa city government, habang ang partner companies naman ay nag-aalok ng fixed-term at maging permanent employment opportunities.

The post #SerbisyoBandera: QC pinalawak trabaho para sa PWDs, mahigit 500 na natulungan appeared first on Bandera.


Uploaded Image
#SerbisyoBandera: QC pinalawak trabaho para sa PWDs, mahigit 500 na natulungan #SerbisyoBandera: QC pinalawak trabaho para sa PWDs, mahigit 500 na natulungan Reviewed by pinoyako on May 11, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close