ABS-CBN kinumpirmang ang pagkakaroon ng shutdown proposal, lalaban para sa mga empleyado
LUMALALA ang gusot ng Pamilya Lopez at sinasamantala ito ng mga may galit sa kanila kaya maraming nakikisawsaw. Nagpadala ng official statement ang ABS-CBN para ipaliwanag ang dahilan ng pagtatalo ng pamilya Lopezes.
“Patuloy ang paninira sa ABS-CBN kasabay ng pagtatalo ng pamilya tungkol sa kinabukasan ng kumpanya.
“Ang pinakahuling atake sa ABS-CBN ay kunwaring nagpakita ng malasakit sa kapakanan ng mga empleyado, partikular sa retirement fund.
Baka Bet Mo: Vice Ganda bet bilhin ang ABS-CBN pero…
“Ayon sa records, isang miyembro ng Board of Directors ang nagmungkahi na itigil na ang operasyon ng ABS-CBN nang walang pag-uusap kung paano haharapin ang obligasyon ng kumpanya sa mga tao. Makikita rin sa records na ipinaglaban ng majority ng directors ang patuloy na financial support sa ABS-CBN, sa halip na pagsasara nito, para sa kapakanan ng mga empleyado at retired employees pati na rin ang iba pang stakeholders.
“Taliwas sa alegasyong nakapaloob sa artikulo, ang malaking kabawasan sa pension fund ng ABS-CBN ay ang pagbabayad sa halos 6,000 empleyado na kabilang sa retrenchment na isinagawa bilang resulta ng kawalan ng prangkisa. Patunay ito sa commitment ng ABS-CBN na lubos na matupad ang obligasyon nito sa mga empleyado.
“Sa aming pananaw, aminado ang ABS-CBN na dinaranas namin ang matitinding pagsubok matapos mawala ang aming prangkisa noong 2020. Pero sa kabila nito, tuloy-tuloy ang pagbangon ng kumpanya. Kinilala pa ito ng Board of Directors at ng karamihan ng pamilya Lopez at binigyang-diin na mahalaga pa rin ang ABS-CBN sa bansa.
“Ang patuloy na mga atake sa ABS-CBN ay hindi nakatutulong lalo na sa mga empleyadong buong pusong lumalaban para manatiling buhay ang ABS-CBN at sa publiko na walang sawang sumusuporta sa kumpanya.
“Paulit-ulit din ang kasinungalingan at intriga na may 68 indibidwal na ‘pinaboran’ sa pagbigay ng kanilang retirement funds. Naipaliwanag na ito sa buong ABS-CBN board at sa Compensation Committee nito. Karamihan sa kanila ay retirees na hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap nang buo ang kanilang benepisyo. Pumayag sila na maghintay hanggang sa maayos na ang sitwasyong pampinansyal ng ABS-CBN. Wala silang nakuhang preferential treatment. Sa katunayan, ipinagpaliban muna nila ang pagtanggap sa retirement pay para makuha ng libo-libong empleyado na napabilang sa retrenchment ang kanilang buong separation pay.
“Pinag-usapan ang unpaid retirement obligation issue ng ABS-CBN board noong Nobyembre. Hindi rin totoo ang patuloy na alegasyon na ang P2 billion capital infusion ay gagamitin para bayaran ang retirement benefits. Pinabulaanan na ito ng lahat ng miyembro ng Board of Directors maliban sa isa.
“Ang mga atake sa pension fund, performance ng negosyo, at pamunuan ng ABS-CBN ay nagpapakita na ang nasa likod nito ay hindi iniisip ang ikabubuti ng kumpanya.
“Masuwerte ang ABS-CBN na binuo ito ni Kapitan Geny Lopez. Isang biyaya na siya at ang kanyang anak na si Gabby ang namuno sa kumpanya sa loob ng matagal na panahon. Patuloy ang pamumunong ito sa pamamagitan ng aming chairman na si Mark Lopez. Bawat henerasyon ay nananatiling totoo sa misyon ng aming founder. Si Kapitan Geny ang nagsabing, “Our reason for being is and always will be to be in the Service of the Filipino.”
Ayon kay Kapitan Geny: “Profit alone is not enough reason to go into business. But if we serve our people, then I think that our growth and success will follow. If we take care of our people, they will take care of us. That’s the kind of culture a company should have.”
Ipinahihiwatig ng sunod-sunod na PR attack na ang mga desisyon tungkol sa Kapamilya network ay hindi ayon sa tamang pangangasiwa at good investment. Hahayaan namin ang publiko ang magdesisyon kung sa tingin nila ay naaayon sa values na pinahahalagahan ng pamilya ang mga paninirang ito.
Isa itong alitan ng pamilya na hindi sana pinag-aawayan sa publiko. Subalit hindi uurong ang Kapamilya network sa pagtatanggol sa kumpanya laban sa anumang kasinungalingang ibinabato rito.
The post ABS-CBN kinumpirmang ang pagkakaroon ng shutdown proposal, lalaban para sa mga empleyado appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 17, 2026
Rating:

No comments: