Villar isinusulong panukalang Firefighters Recognition Day tuwing Marso

KASABAY ng paggunita ng bansa sa Fire Prevention Month tuwing Marso, naghain si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong magtalaga ng isang pambansang araw ng pagkilala para sa mga bumbero sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1797, iminungkahi ni Villar na ideklara ang unang Biyernes ng Marso bilang Firefighters Recognition Day bilang pagpupugay sa "walang pag-iimbot na paglilingkod, katapangan, at sakripisyo" ng mga Pilipinong bumbero. Itatatag ang pagdiriwang na ito kasabay ng Fire Prevention Month, na idineklara sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 115-A na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1966.
Ayon kay Villar, napapanahon ang panukala lalo na't karaniwang tumataas ang bilang ng mga insidente ng sunog tuwing Marso dahil sa mainit at tuyong panahon.
"Sa buwang ito na inilalaan para sa kamalayan sa pag-iwas sa sunog at kaligtasan, nararapat lamang na maglaan tayo ng isang espesyal na araw upang bigyan ng pinakamataas na parangal at pagkilala ang ating mga bumbero," sey ni Villar.
Baka Bet Mo: Villar naghain ng panukalang batas para isama ang 'digital skills' sa curriculum
Wika pa niya, "Isinusugal nila ang lahat upang maprotektahan ang buhay, ari-arian, at kinabukasan ng ating bansa. Ang panukalang batas na ito ay paraan natin ng pagsasabi ng 'salamat' at pagtiyak na hindi makakalimutan ang kanilang mga sakripisyo."
Sa ilalim ng panukala, magsisilbing pagkakataon ang Firefighters Recognition Day upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga bumbero hindi lamang sa pag-apula ng sunog kundi pati sa pagsasagawa ng rescue operations, pagtugon sa mga sakuna, at pangangalaga sa komunidad.
Binigyang-diin din ng senador ang mga panganib na kinahaharap ng mga bumbero, kabilang ang pagkamatay sa tungkulin dulot ng structural fires, aksidente habang rumeresponde sa emerhensiya, pagkalantad sa nakalalasong kemikal, at iba pang hazard sa kanilang trabaho.
Bukod sa simbolikong pagkilala, layunin din ng panukala na hikayatin ang mas matibay na suporta mula sa mga institusyon, kabilang ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga bumbero, modernisasyon ng kagamitan, mas mahusay na pagsasanay, at dagdag na pondo upang higit pang mapalakas ang sistema ng kaligtasan laban sa sunog sa bansa.
Ang Senate Bill No. 1797, na inihain noong Pebrero 9, 2026, ay kasalukuyang nakabinbin sa komite ng Senado at hinihintay ang mga susunod na deliberasyon.
The post Villar isinusulong panukalang Firefighters Recognition Day tuwing Marso appeared first on Bandera.

No comments: