BREAKING NEWS

Virgin Island sa Bohol muling bubuksan sa Feb. 2, mas istrikto ang patakaran

Virgin Island sa Bohol muling bubuksan sa Feb. 2, mas istrikto ang patakaran
INQUIRER file photo

MULING tatanggap ng mga turista ang sikat na Virgin Island, na kilala rin bilang Puntod Island, sa Panglao, Bohol simula February 2!

Ito ay matapos ang mahigit isang taong pansamantalang pagsasara para sa environmental rehabilitation.

Inaasahan ng mga awtoridad ang dagsa ng mga bisitang sabik muling masilayan ang tanyag na puting sandbar at maligo sa mababaw at malinaw na tubig-dagat ng isla. 

Gayunman, babalik ito sa operasyon sa ilalim ng mas mahigpit na alituntunin upang maprotektahan ang mga coral reef at maselang yamang-dagat.

Baka Bet Mo: Solenn Heussaff nakikipag-usap sa mga kaluluwang-ligaw, biglang hinila sa beach

Ayon sa pamunuan ng lalawigan ng Bohol, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ipatutupad ang mga bagong patakaran para sa mga boat operator at turista upang maiwasan ang mga problemang naging dahilan ng pagsasara ng isla.

Sinabi ni DENR Central Visayas regional director Laudemir Salac na pinayagan na ng ahensya ang muling pagbubukas ng Virgin Island matapos ang pagpapatupad ng marine guidelines para sa Panglao Island Protected Seascape (PIPS).

"The temporary closure lifting is an [indication] of our shared commitment to safeguarding the marine ecosystem of Panglao," sey ni Salac sa isang forum na iniulat ng INQUIRER.

Dagdag pa niya, "In order to guarantee sustainable tourism in the future, the reopening of Virgin Island is dependent upon the strict enforcement of the marine tourism guidelines, reinforced by safeguards and accountability."

Matatagpuan ang Virgin Island sa pagitan ng Balicasag at Panglao Islands at kilala bilang isang haven ng marine biodiversity, na tahanan ng makukulay na coral garden at iba't ibang bihira at kakaibang lamang-dagat.

Pansamantala itong isinara noong September 2024 matapos maiulat ang malubhang pinsala sa mga corals sa Estaca snorkeling site. 

Nag-ugat ito sa pagkalat ng mga larawan sa social media na nagpapakita ng vandalized corals, kung saan may mga nakaukit na pangalan ng turista na umano'y may kinalaman din ang ilang dive guide.

Binanggit din ng mga awtoridad ang iligal na paniningil ng bayarin, mahinang waste management, at kawalan ng maayos na anchoring system, na nagdulot ng pag-apak at pagkasira ng mga korales dahil sa mga bangka.

Ginamit ang mahigit isang taong pagsasara upang bigyang-daan ang natural na pagbangon ng lugar, sa ilalim ng pangangasiwa ng Protected Area Management Board.

Binigyang-diin ni Bohol Gov. Erico Aristotle Aumentado na mahalagang pangalagaan ang Virgin Island bilang likas na yaman ng lalawigan at hinikayat ang lahat ng sektor na sumunod sa mga patakarang pangkalikasan.

"Cleanliness and discipline are nonnegotiable. By following the rules, we protect this place, preserve its beauty and show respect for our community and future generations," sambit ni Aumentado.

Sa muling pagbubukas, mahigpit na ipagbabawal ang lahat ng vendor at commercial seller sa loob ng Virgin Island upang maiwasan ang problema sa basura, siksikan, at overpricing.

Bilang bahagi ng mas pinaigting na waste management at pollution control, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa dagat. 

Inaatasan na ang mga boat operator na maglagay ng basurahan sa kanilang mga bangka at tiyaking maayos ang pagtatapon ng basura pagbalik sa pampang. 

Mananagot din ang operator sa anumang basurang magmumula sa kanilang pasahero.

Hinihikayat ang mga turista na gumamit lamang ng reef-safe, mineral-based sunscreen tulad ng Magwai at Human Nature. 

Ipinagbabawal ang mga produktong may oxybenzone at octinoxate dahil nakapipinsala ang mga ito sa mga corals. 

Pinayuhan din ang mga operator na gumamit ng natural na panlinis gaya ng suka o lemon juice.

Mariin ding ipinagbabawal ang pagsusunog ng basura at seaweeds, at kailangang sundin ang wastong waste disposal sa lahat ng oras.

Ipatutupad din ang "One-Entry, One-Exit System" upang makontrol ang daloy ng turista, maiwasan ang siksikan, at mas mapamahalaan ang basura. 

Lahat ng bangkang panturista ay dadaan lamang sa Puntod Island bilang opisyal na entry at exit point, kung saan kailangan ang rehistro, bayad sa entrance fee, at mandatory environmental briefing bago makilahok sa mga aktibidad tulad ng snorkeling at scuba diving.

Ayon sa Protected Area Management Office (PAMO-PIPS), lilimitahan ang bilang ng bisita upang mabawasan ang stress sa kalikasan. 

250 turista lamang kada dalawang oras ang papayagang bumisita sa sandbar, habang ang snorkeling at diving ay hanggang dalawang oras lang bawat sesyon.

Ipapatupad din ang "three-minute rule" kada grupo para sa pagkuha ng litrato, at kinakailangan ng paunang pahintulot para sa commercial photography.

Mahigpit ding ipatutupad ang "Pack It In, Pack It Out" policy, kabilang ang inspeksyon ng mga bangka bago pumasok upang tiyaking walang dalang ipinagbabawal na gamit tulad ng plastik at hindi reef-safe na sunscreen. 

Mayroon ding final inspection bago umalis ang mga turista upang matiyak na walang basurang maiiwan.

Ang operasyon ng isla ay mula 6 a.m. hanggang 6 p.m. araw-araw, at lahat ng aktibidad ay dapat may kasamang accredited Department of Tourism guides, sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng PAMO-PIPS personnel.

The post Virgin Island sa Bohol muling bubuksan sa Feb. 2, mas istrikto ang patakaran appeared first on Bandera.


Virgin Island sa Bohol muling bubuksan sa Feb. 2, mas istrikto ang patakaran Virgin Island sa Bohol muling bubuksan sa Feb. 2, mas istrikto ang patakaran Reviewed by pinoyako on February 01, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close