Arabelle dela Cruz waging Grand Champion sa Veiled Cup Korea 2026

PANIBAGONG tagumpay na naman para sa sambayanang Pilipino ang naibandera ng Kapuso singer na si Arabelle Dela Cruz.
Si Arabelle ang itinanghal na Grand Champion sa Veiled Cup 2026, isang international reality singing competition sa South Korea.
Sa naturang programa, ang mga contestant ay nakatago sa likod ng stage at silouette lamang ang makikita ng mga judge at audience.
Mas nakikilala lamang ang mga kalahok base sa kanilang bansag at bansang pinanggalingan kaya naman talagang boses ang nagiging labanan.
Sa pamamagitan ng social media, nag-share si Arabelle ng kanyang mensahe matapos ang kanyang pagkapanalo.
"Marami na akong nasalihan na kompetisyon sa buhay ko, karamihan pa roon ay hindi pinalad. Pero maraming naging aral sa akin lahat ng napagdaanan ko na yun. I am always grateful. And I will always be.
"Dahil hindi ako magiging si Arabelle ngayon kung hindi nangyari lahat ng yun," ang pahayag ni Arabelle kasabay ang pasasalamat sa Diyos, sa pamilya, mga kaibigan, at sa lahat ng sumusuporta sa kanya.
"Mula sa batang nangangarap na marinig ng lahat, nabigyan na sya ng panahon ngayon!
"Hindi ko lang panalo ito. Para ito sa lahat ng taong nagtitiwala sa akin at nangangarap na katulad ko! Mahal ko kayo!" ang pagbabahagi pa ni Arabelle.
Bago nagwagi sa naturang international reality singing competition ay nanalo muna ang dalaga bilang 1st Runner-up sa "The Clash 2025" at Top 5 Grand Finalist sa "Tawag ng Tanghalan Season 2" ng "It's Showtime."
Aside from Arabelle, kinilala rin sa Veiled Cup Korea 2026 ang husay ng dalawa pang Filipino singer na sina Thea Astley at Garrett Bolden, na nagmarka rin sa mga tagasubaybay ng programa.
The post Arabelle dela Cruz waging Grand Champion sa Veiled Cup Korea 2026 appeared first on Bandera.

No comments: