Aiko Melendez ‘Madam President’ na ang tawag kay VP Sara: Totoo, walang arte!

BUONG-NINGNING na tinawag na "Madam President" ni Aiko Melendez si Vice President Sara Duterte.
Personal na binisita ng aktres at public servant ang bise presidente sa opisina nito kamakailan para sa isang masaya at makabuluhang chikahan.
Ibinandera ng konsehal ng Quezon City ang kanilang pagkikita sa publiko sa pamamagitan ng ilang litratong ipinost niya sa Facebook nitong Martes, January 13.
Sey ni Aiko, hangang-hanga raw siya sa kasimplehan at pagiging mapagkumbaba ni VP Sara na bihira na raw makita sa mga leader ng bayan.
Nakakatuwa at napakasarap daw sa pakiramdam na makausap ang ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na marunong makinig at totoong may malasakit sa mga tao.
"Nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa opisina ni Madam President Inday Sara Duterte at magkaroon ng isang makabuluhan at taos-pusong pag-uusap," ang pahayag ni Aiko.
Pagpapatuloy pa ng aktres at konsehala, "Isa sa mga labis kong hinangaan ay ang kanyang pagiging simple at mapagkumbaba.
"Napaka-accommodating niya at napaka-candid kausap walang arte, totoo, at bukas ang loob. Nakakagaan ng pakiramdam na makausap ang isang lider na marunong makinig at may malasakit."
"Maraming salamat sa oras, sa mga pananaw na ibinahagi, at sa isang makabuluhang pagkikita. Salamat sa iyong oras po Makaka asa po kayo ng patuloy na aking Respeto at paghanga po," pahayag pa ni Aiko.
Wala namang nabanggit si Aiko kung anu-ano ang napag-usapan nila ni VP Sara at kung ano ang dahilan ng pagdalaw niya sa opisina ng vice president.
Nauna rito, nagpahayag na rin si Aiko ng kanyang paghanga kay VP Sara na matagal na raw niyang kakilala.
Naniniwala siyang darating ang tamang panahon para kay VP Sara at ang Diyos na mismo ang magbubukas ng daan para raw tahakin ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Kapag tama na ang panahon at oras para sa inyo, ang Panginoon mismo ang hahawi ng daan kung saan kayo talaga nararapat.
"Mabuhay po kayo, at tunay na kulang ang salitang salamat," ang mensahe pa ni Aiko.
Samantala, marami naman ang nag-suggest na kapag daw isinapelikula ang life story ni VP Sara ay si Aiko dapat ang bumida.
The post Aiko Melendez 'Madam President' na ang tawag kay VP Sara: Totoo, walang arte! appeared first on Bandera.

No comments: