Bong Revilla nanindigan, walang kinalaman sa anomalya sa flood control projects

NANINDIGAN ang dating senador na si Bong Revilla na walang katotohanan ang mga ibinabatong paratang laban sa kanya tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Nitong Sabado, December 6, sa inilabas niyang pahayag ay sinabi niyang handa niya itong harapin dahil isa lang siyang "easy target" na ginagamit para pagtakpan ang katotohanan.
"Ang naratibo na pilit nilang ikinakasa laban sa akin ay hindi lamang kasinungalingan, ito'y sadyang 'di kapani-paniwala," saad ni Revilla.
Pagpapatuloy pa niya, "I am an easy target being used to muddle the truth, but the truth will always come out."
Baka Bet Mo: Bong Revilla maaring maharap sa plunder sa bagong case recommendation ng ICI
Giit pa ni Revilla, nasasangkot lamang siya para ilihis ang katotohanan.
"Ginagamit ang aking pangalan para malihis sa katotohanan—ngunit ang katotohanan, kailanman ay hindi matatakpan," sabi pa ng dating senador.
Matatandaang isa si Revilla kasama ang siyam pang indibiduwal na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman na kasuhan ng direct o indirect bribery, corruption of public officials, plunder, at iba pang mga administrative sanction.
Tiniyak naman ng dating senador na hindi niya ito uurungan at handa siyang harapin ang pagsubok dahil alam niya ang katotohanan.
Sey ni Revilla, "I have lived my life facing all challenges thrown my way. Hindi ako tumakbo, hindi ako nagtago. Hindi ako umurong noon, hindi ako uurong ngayon. At dahil ang katotohanan ay nasa aking panig, haharapin ko ito nang buong tapang at paninindigan.
"Kasama kayo, nananalig akong sa huli, ang mga tunay na may sala ang mananagot—para sa hustisya at para sa bayan."
The post Bong Revilla nanindigan, walang kinalaman sa anomalya sa flood control projects appeared first on Bandera.

No comments: