June Mar Fajardo isusubasta 1st MVP trophy para matulungan nasalanta ng bagyo

HANDANG isubasta ng PBA player na si June Mar Fajardo ang kanyang kauna-unahang Most Valuable Player (MVP) trophy para magbigay tulong sa mga biktima ng pananalasa ng bagyo.
Ito ay kanyang inihayag nitong Miyerkules, November 12, matapos manalo ang San Miguel Beermen laban sa Titan Ultra, 158-117.
Ayon kay June Mar, malungkot siya para sa mga kababayan sa Cebu na kanyang hometown dahil sa naging pinsala at mga buhay na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Tino.
Bukod sa mga ari-arian, marami ring mga nawalan ng hanapbuhay at ngayo'y muling nag-uumpisa sa wala dahil sa baha at bagyo.
Baka Bet Mo: June Mar Fajardo nakuha ang ika-4 diretsong PBA MVP award
Kahit na mahirap para kay June Mar ang pakawalan ang kanyang unang tropeo, pero mas nangingibabaw para sa kanya ang makapag-abot ng tulong sa mga taga-Cebu.
"Syempre [mahirap i-let go]. Pero nu'ng tinanong nga ako kung ano ang ipapa-auction ko, iyan 'yung naisip ko.
"Kasi 'yung trophy na 'yun special 'yun sa akin, kasi years of hard work ko iyon eh, sakripisyo," saad ni June Mar.
Binalikan rin ng basketbolista ang mga memories matapos ang pagkakapanalo sa MVP trophy.
"Nandoon 'yung failures then after, naging successful ako ng season na iyon, nakuha ko 'yung MVP. Pero special din 'yung mga Cebuano para sa akin," sabi pa ni June Mar.
Umaasa naman siya na mabebenta sa malaking halaga ang kanyang MVP trophy dahil maganda naman ang mapagdadalhan ng pagbebentahan buto.
Sey ni June Mar, "'Yung makakakuha naman ng trophy na iyon, hindi lang naman siya makakakuha ng trophy e. Makakuha siya ng parte sa buhay ko.
"Isa pa no'n, nakakatulong siya sa mga tao sa Cebu. Hindi lang basta basta na trophy 'yon."
Isasama na rin ni June Mar ang iba pang game-worn na sapatos at jerseys mula sa iba pang mga PBA players.
The post June Mar Fajardo isusubasta 1st MVP trophy para matulungan nasalanta ng bagyo appeared first on Bandera.

No comments: