Ping Lacson palaban kay Marcoleta: Kung aawayin niya kami, aawayin ko rin siya!

HINDI nagpasindak si Sen. Ping Lacson kay Sen. Rodante Marcoleta na tumawag sa kanyang "epal" kaugnay ng Senate hearing sa isyu ng umano'y maanomalyang flood control projects.
Matapang na binuweltahan ni Lacson ang kapwa senador sa mga patutsada nito sa kanya at sinabing hindi niya ito uurungan.
Nagsimula ang isyu sa pagitan ng dalawang senador nang punahin umano ni Marcoleta ang bahagi ng privilege speech ni Lacson hinggil sa iba pang isyu sa kontrobersyal na flood control projects sa bansa.
"Ayoko ng away. Pero kung aawayin niya kami, aawayin ko rin siya!" ang palabang pahayag ni Lacson sa isang panayam.
"Sabi niya pinanghihimasukan namin siya. Walang nanghihimasok dito. Gusto ko lang i-correct ang misimpression na kine-create ni Sen. Marcoleta," ang paliwanag pa ni Lacson.
Si Marcoleta ang kasalukuyang namumuno ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsasagawa ng pagdinig sa flood control project na pinagkakitaan ng ilang politiko at government contractors.
Naging isyu rin ang suggestion ni Lacson sa pagpapaliban muna ng blue ribbon committee hearing ngayong araw, September 1 tungkol sa flood control project dahil sasabay nga ito sa Development Budget Coordination Committee hearing para sa 2026 national budget.
"Hindi lang naman siya ang pinakikiusapan ko. Ang manifestation ko baka puwedeng ihiwalay na lang ang petsa kase parehong napakaimportante (ng hearing)," pahayag ni Lacson.
Sabi pa ng senador, wala rin siyang intensyong maliitin ang pinamumunuang committee ni Marcoleta.
"Sa kanyang TV program pinipintasan niya kami, sabi niya pinanghihimasukan daw namin siya sa kanyang mandato. Walang nanghihimasok dito. Gusto naming lahat mapaayos ang takbo ng gobyerno," sabi pa ni Lacson sa naturang panayam.
The post Ping Lacson palaban kay Marcoleta: Kung aawayin niya kami, aawayin ko rin siya! appeared first on Bandera.

No comments: