Kiko Estrada biglang napaiyak sa finale presscon ng ‘Totoy Bato’
EMOSYONAL si Kiko Estrada nang purihin ng direktor na si Albert Langitan at napayakap pa sa ginanap na “Totoy Bato” finale mediacon.
Sa rami na ng nakatrabahong action star ni Direk Albert ay natanong kung paano niya ilalarawan at ihahambing si Kiko sa kanila.
“Si Kiko bilang action star although sinasabi niyang hindi siya ganu’n kagaling sa action pero hindi ko alam kung part na niya nu’ng ipanganak siya action star na kasi tama ‘yung galaw niya, tama ‘yung movement niya, ‘yung physique niya naka-design para maging action star.
“Pero beyond sa paggawa ng action ang appreciation ko kay Kiko ay naging mas magaling siyang aktor. Nu’ng ginagawa namin ‘yung Lumuhod Ka sa Lupa (2024-2025) medyo nahihilawan pa ako kay Kiko no’n.
“Lagi naming pinag-uusapan ‘yung eksenang namatay ‘yung nanay niya, hirap na hirap siyang mag-react to the point na kailangan naming i-retake sa ibang shooting day kasi hindi siya tumatawid.
“Ayaw ko namang pabayaan kasi magmumukha siyang hamon (ham actor) pero ngayon dito sa Totoy Bato maybe because of the influence ng mga katrabaho niya halimbawa si Eula (Valdes), si tito Nonie Buencamino, Art Acuna ay gina-guide talaga siya.
“Isang pitik lang kahit hindi ko sabihin kaya na niyang umiyak ng tama, ‘yung iyak na hindi baduy para sa isang lalaki. Nasaktuhan na niya kung ano ‘yung tamang emosyon ‘yung dapat na ibibigay niya,” mahabang paglalarawan ng direktor ng “Totoy Bato.”
Dagdag pa niya, “Naalala ko nu’ng katrabaho ko siya sa GMA (Magpakailanman) mahigit 10 taon na sabi ko, ‘anong ginagawa mo rito nagpapaka-tweetums ka dapat nag-aaksyon ka kasi mukha kang action star.”
Reaksyon ni Kiko, “Naalala ko ‘yun direk, sabi ko, ‘sana magkatotoo, tapos ginawa na namin ‘yung ‘Lumuhod’, alam kong hindi niya ako pababayaan at kung ano po ‘yung nakita n’yo (sa pag-arte), produkto po ‘yun ng pag-aalaga ni Direk Albert at Direk Ambo (Gonzales), ang laking tulong ng dalawang direktor ko sa buhay ko.
“Hindi ko po magagawa kung anuman ‘yung nagawa ko kung hindi dahil sa kanilang dalawa lalung-lalo na ‘yung cast dito (bigay- pugay). I owe it to them, I owe it to Viva, TV5, and to direk Zyro (Radoc) kasama rin po siya sa team namin.
“Isang malaking karangalan na mabanggit ang pangalang Kiko Estrada kasama ang mga taong nandito ngayon de kalibre,” sabi ng aktor na hindi napigilan ang mapaluha sa presscon.
Ipinagmalaki rin ng anak nina Gary Estrada at Cheska Diaz na ganado lahat ang cast ng “Totoy Bato” na pumunta sa shooting dahil safe space ang lahat.
Samantala, pagkatapos ng dalawang action series na “Lumuhod Ka sa Lupa” at “Totoy Bato” ay pangarap ni Kiko na gawin ang “Joaquin Bordado” (Carlo Caparas series) na pinagbidahan ni Sen. Robin Padilla noong 2008 sa GMA 7 dahil challenging ito para sa kanya.
“Gusto kong gawin kasi idol ko si Robin at nu’ng bata ako pinapanood ko ang mga pelikula niya or Maging Sino Ka Man (1991) gusto kong maging action (at) romcom. Pero mas gusto ko ‘yung Joaquin Bordado,” sambit ng aktor.
Wala namang particular na leading lady na gusto si Kiko dahil kung sino raw ang gusto ng TV5 na ipareha sa kanya ay okay lang.
Anyway, abangan ang huling linggo ng “Totoy Bato” na halos isang taong pamamayagpag nito sa TodoMax Primetime Singko ng TV5 at masasaksihan ang pinakamainit na labanan hanggang sa pagtatapos ng serye sa Abril 24.
The post Kiko Estrada biglang napaiyak sa finale presscon ng ‘Totoy Bato’ appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 19, 2026
Rating:

No comments: