Kelvin Miranda emosyonal sa pagpanaw ng ama: ‘Mahirap tanggapin na wala ka na’
WASAK na wasak ang puso ngayon ng young actor na si Kelvin Miranda dahil pumanaw na ang kanyang ama na si Patricio.
Sa isang Instagram Story, ibinandera ni Kelvin ang isang throwback picture mula sa kanyang high school graduation at kalakip niyang ang isang mahabang mensahe para sa yumaong ama.
Pagbubunyag ng binata, matagal niyang kinimkim ang mga laban sa buhay lalo na nu’ng pinili niyang mag-showbiz, na taliwas sa gusto ng ama.
“Wala pa akong napapatunayan sa’yo magmula noong sinuway ko ‘yung gusto mo na magtapos ako ng pag-aaral para sa pag-aartista ko. Marami akong laban na itinago sa’yo para isipin na kaya ko at malakas ako na kaya ko ‘yung sarili ko,” bungad ni Kelvin sa caption.
Baka Bet Mo: Kelvin inabuso noong bata, na-diagnose ng ADHD, dyslexia, PTSD, bipolar
Inamin din ng aktor na ang ipinost niyang litrato ay ‘yung kaisa-isang pagkakataon na alam niyang naging proud sa kanya ang ama.
“Itong litrato na ito, ito lang ang kaisa-isang achievement ko na nasaksihan mo na alam kong masaya ka para sa’kin,” sey niya.
Patuloy pa ni Kelvin, “Isang taon nakalipas pinili kong tahakin ang showbiz kahit na mahirap ito para sa akin dahil sa alam kong labag ito sa loob mo. Pero nagsumikap ako para makita mo na patunayan ko sa’yo na kaya ko yung sarili ko. Hindi para kontrahin ka kung hindi para maging masaya ka sa bagay na alam kong makapagbibigay ako ng kulay sa buhay natin.”
Kasunod niyan, binalikan din niya ang mga hindi pagkakaunawaan nila ng ama na ngayon ay mas naiintindihan na niya.
“Lahat ng pagtatalo natin ay hindi makakalimutan dahil doon ako natuto at napatunayan na lahat ng sinasabi mo sa’kin noon ay totoo,” sambit niya.
Wika pa ng binata, “Akala ko kaya ko na pero ngayon ko lang naramdaman na ganito pala kasakit kapag wala ka na. Wala kasing sakit, hindi ka nagpaalam sakin, sa amin. Lagi kang nambibigla ‘yung hindi ako handa, palagi mo akong sinusubok sa bawat pagkakataon.”
Aminado rin si Kelvin na mas mabigat ang proseso ng pagtanggap sa pagkawala ng ama, lalo’t sanay siyang may gumagabay at kumokontra sa kanyang mga desisyon.
“Sa pagkakataong ito mukhang mahihirapan akong tanggapin na wala ka na, wala nang kokontra sa akin para sa mga gagawin kong desisyon at napatunayan ko yun na ginagawa mo yun para lang siguraduhin kung tama ang pasya na pipiliin ko,” pag-amin niya.
Sa dulo ng kanyang mensahe, bumuhos pa rin ang pagmamahal ni Kelvin para sa ama.
“Mahal na mahal kita hindi man natin ito nasasabi sa isa’t isa pero alam kong alam mo na mahal kita at alam ko rin na mahal mo ako,” saad ni Kelvin.
Aniya pa, “Masakit Daddy lagi mo nalang ako sinasaktan pero kahit na ganon mahal na mahal kita at hindi kita makakalimutan.”
The post Kelvin Miranda emosyonal sa pagpanaw ng ama: ‘Mahirap tanggapin na wala ka na’ appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 19, 2026
Rating:

No comments: