Juan Ponce Enrile: Kilalanin at alamin ang mga naging serbisyo sa gobyerno

MALIBAN sa pagiging politiko, si Juan Ponce Enrile ay isa sa mga naging bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Sa loob ng higit isang siglo, nasaksihan niya ang mga pagbabago, kontrobersiya, at kapangyarihan na humubog sa pulitika ng Pilipinas.
Sa katunayan nga, siya ang pinakamatandang miyembro ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos sa edad na 101.
Ipinanganak si Enrile noong February 14, 1924 sa bayan ng Gonzaga, Cagayan kina Petra Furagganan at Alfonso Enrile, isang kilalang politiko sa Maynila.
Lumaki siya sa poder ng kanyang amain, kasama ang dalawang nakatatandang kapatid.
Baka Bet Mo: Juan Ponce Enrile pumanaw na sa edad 101
<iframe src="https://www.facebook.com/plugins/post.php?href=https%3A%2F%2Fwww.facebook.com%2Fbanderaphl%2Fposts%2Fpfbid02sA3Ab5vuZf91dKzyP41no4rWh8v4wQdQ5z5aRu3bfaVS7F9T1pjLHFXM8Wd33c1Ll&show_text=true&width=500" width="500" height="654" style="border:none;overflow:hidden" scrolling="no" frameborder="0" allowfullscreen="true" allow="autoplay; clipboard-write; encrypted-media; picture-in-picture; web-share"></iframe> Matapos magtapos ng Associate in Arts sa Ateneo de Manila University noong 1949 bilang cum laude, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa University of the Philippines, kung saan nagtapos siya ng Bachelor of Laws, naging cum laude at salutatorian noong 1953, base sa ulat ng INQUIRER.
Nagtungo rin siya sa Harvard University sa Boston, USA para naman sa Master of Laws Specialized Training in International Tax.
Noong 1957, pinakasalan niya si Cristina Castañer at nagkaroon sila ng dalawang anak –sina Katrina at Jack.
Bilang alagad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., nagsimula si Enrile bilang commissioner ng Bureau of Customs noong 1966 hanggang 1968.
Kalaunan ay naging justice secretary mula 1968 hanggang 1970, at pagkatapos ay defense secretary mula 1972 hanggang 1986.
Bilang defense chief, naging sentral siya sa pagpapatupad ng batas militar sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr.
Ngunit makalipas ang ilang taon, tinalikuran niya ito at naging isa sa mga pangunahing tauhan ng 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa mga Marcos at nagbalik ng demokrasya sa bansa.
Taong 1987 nang pumasok si Enrile sa Senado, kung saan nagsilbi siya bilang nag-iisang miyembro ng minorya hanggang 1992.
Pagkatapos nito, naging kongresista siya mula 1992 hanggang 1995 bago muling bumalik sa Senado noong 1995.
Noong 2008, naihalal siya bilang Senate President, posisyong hinawakan niya hanggang 2013.
Nagbitiw siya matapos masangkot sa isyu ng umano'y dagdag na pondo at "Christmas bonuses" para sa kanyang mga kaalyado.
Ngunit ang pinakamalaking dagok sa kanyang karera ay nang masangkot siya sa pork barrel scam noong 2013.
Inakusahan siyang naglaan ng P172 million mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga kuwestiyonableng NGO kapalit umano ng kickback.
Naaresto siya noong July 2014, ngunit pinayagan ng Korte Suprema na magpiyansa makalipas ang isang taon dahil sa edad at kalagayang pangkalusugan.
Sinubukan niyang bumalik sa Senado noong 2019 ngunit nabigo.
Gayunman, noong 2022, muling bumalik sa pamahalaan bilang Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Bongbong Marcos
At bago siya pumanaw, nitong Oktubre lamang nang ibinasura ng Sandiganbayan ang natitira niyang mga kasong graft dahil sa kakulangan ng ebidensya.
The post Juan Ponce Enrile: Kilalanin at alamin ang mga naging serbisyo sa gobyerno appeared first on Bandera.

No comments: