80-anyos patay, nabagsakan ng pader sa gitna ng 7.4 Davao earthquake

ISANG 80-anyos na lalaki ang nasawi sa Agdao district matapos siyang mabagsakan ng konkretong pader sa kasagsagan ng 7.4 magnitude lindol nitong Biyernes ng umaga, October 10.
Ang lindol na nagmula sa Manay, Davao Oriental, ay naramdaman sa lungsod na ito sa lakas na Intensity 5.
Dahil sa pagkakatala ng pagkamatay ng 80-anyos na lalaki ay umakyat na sa dalawa ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi dulot ng lindol.
Matatandaang nauna nang maiulat na isang indibidwal ang namatay matapos mabagsakan ng hollow blocks sa mountain village ng Calapagan sa bayan ng Lupon, Davao Oriental.
Baka Bet Mo: 1 patay sa lindol sa Davao Oriental, ayon sa OCD
Kinilala ni Maj. Hazel Tuazon, spokesperson ng Davao City Police Office, ang biktima bilang si Sotero Cabili dela Cruz, 80 taong gulang, residente ng Purok 3 sa barangay Agdao.
Agad siyang isinugod sa Southern Philippines Medical Center ngunit idineklara siyang dead on arrival bandang alas-10:28 ng umaga.
Pagsapit ng hapon ngayong araw, halos walang katao-tao sa mga lansangan ng lungsod matapos ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang suspensyon ng pasok sa trabaho at klase upang bigyang daan ang agarang pagsusuri sa kaligtasan ng mga istraktura.
Maraming mga estudyante ang na-stranded dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon kaya't nag-deploy ng mobile patrol ang pulisya upang magsakay at maghatid sa mga naiwang pasahero pauwi nang libre.
The post 80-anyos patay, nabagsakan ng pader sa gitna ng 7.4 Davao earthquake appeared first on Bandera.
No comments: