Payo ni Mika Salamanca sa mga kabataan: Huwag matakot lumipad!

EMOSYONAL si Mika Salamanca nang i-launch ang kanyang librong pambata na may titulong "Lipad" na siya mismo ang sumulat.
Si Mika ang isa sa itinanghal na Big Winner sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition" season 1 kasama ang ka-duo na si Brent Manalo.
Kuwento ng buhay ni Mika ang "Lipad" dahil sa mga naranasan niya noong bata pa siya, nagulat ang mga dumalo sa intimate launching dahil habang binabasa ng dalaga ang ilang linyang nilalaman ng libro ay naging emosyonal nga siya.
"Malaking parte po siguro 'yung pagpapakilala ko sa tao during the time na nasa PBB ako kasi may line po rito, 'ako na mas malakas na ikaw ay makikilala mo rin ako balang araw.'
"Kasi everyday po for the past years lagi kong hinihintay 'yun na makilala ako ng mga tao, lagi kong hinihintay na malaman nila ang puso ko kaya po siguro naging emosyonal ako sa part na 'to.
"Kasi ang tagal ko rin pong hinintay na makita ako ng mga mahal ko sa buhay o ng mga nagmamahal sa akin kaya po siguro naging emosyonal ako," paliwanag ng dalaga.
Nasambit din ni Mika na baka maging inspirasyon ang kanyang book ng mga taong makakabasa nito, makita ang sarili nilang maging stronger pagdating ng araw
"Nakikita ko po kasi 'yung dating ako kaya po naiyak ako na naghihintay ng saklolo," saad ng dalaga.
Nang makausap namin si Mika pagkatapos ng mediacon ay ipinaliwanag niya na kaya iyakin siya.
"I feel like I feel everything po, ganu'n po akong klaseng tao, kapag may nakikita ako nilalagay ko lagi ru'n ang sarili ko, for example po kayo umiyak kayo at malalaman o 'yung reason inilalagay ko 'yung sarili, iyakin po ako," saad nito.
Inialay ni Mika ang kanyang libro sa mga taong takot lumaban sa buhay.
"Kasi po it's really easy to cage ourselves because of our insecurities. Minsan po o madalas ay tayo mismo ang naglilimita sa sarili natin sa kung anong puwede nating marating o kung saan at anong puwede nating makita sa mundo.
"Gusto ko pong i-dedicate ito sa kanila na hindi po sila mag-isa na huwag silang matakot lumipad dahil sa paglipad nila ay never silang mag-iisa as long as meron silang collective ng mga taong nakasama nila (support system)," katwiran ng Aguila Management Agency at Sparkle artist.
Samantala,, sa tatlong magkakapatid at bunso si Mika ay namumukod tanging siya lang ang nandito sa Pilipinas dahil ang magulang niya, kuya at ate ay nasa Amerika at may kanya-kanyang trabaho roon.
Staff ng eskuwelahan ang kanyang tatay, caregiver ang nanay, may kinalaman sa mechanical ang work ng kuya at baker ang ate niya.
Edad 15 nang mag-migrate ang buong pamilya ni Mika sa Amerika at aminadong hirap siyang mag-adjust doon.
At kahit may trabaho ang pamilya ni Mika ay hindi siya umasa dahil nagtrabaho siya habang nag-aaral ng high school.
Hindi naituloy ng dalaga ang kolehiyo dahil nagkaroon siya ng oportunidad dito sa Pilipinas habang nagba-vlog siya.
Aminadong maraming gustong gawin si Mika – gustong maging singer, artista, vlogger, at magsulat ng libro. Ano ba talaga ang prayoridad niya?
"Ang lahat pong ito, it boils to arts talaga, simula bata po ako ay sumusulat na talaga ako, kumakanta, nagdo-drawing. Simula bata po ako nasanay na ang pamilya ko na maarte po ako or 'arts.'
"At saka kung kaya ko naman pong gawin lahat ay ayaw kong i-box ang sarili kaya gagawin ko lahat. Depende po kasi sa araw, naniniwala ako na may araw na kaya kong magbigay like today nagising ako, mas gusto kong kumanta (lang).
"Kung paano ko po i-express ang sarili ko today doon ko ibibigay, kaya wala po akong certain percentage para sa isang bagay na kaya kong gawin," esplika ni Mika.
Tinanong namin kung nag-voice lesson siya dahil maganda ang boses niya, "Opo pero eversince po nu'ng bata ako ay kumakanta na talaga ako kasi isinasali ako ng papa ko sa mga singing contest at para po ma enhance at kung paano ko gamitin ay pinag-voice lesson po ako."
Sa kasalukuyan ay nag-a-acting workshop si Mika under Ina Feleo bilang paghahanda sa upcoming shows na ibibigay sa kanya ng GMA na hindi pa puwedeng banggitin kung anu-ano.
The post Payo ni Mika Salamanca sa mga kabataan: Huwag matakot lumipad! appeared first on Bandera.

No comments: