BREAKING NEWS

Atong Ang pinaghahanap na dahil sa missing sabungero case

Atong Ang pinaghahanap na dahil sa missing sabungero case
INQUIRER file photo

MAY manhunt ngayon kay gaming tycoon Charlie "Atong" Ang matapos maglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Laguna laban sa kanya at 17 iba pa.

Ito ay kaugnay sa kaso ng mga sabungero na umano'y dinukot at pinatay dahil sa alegasyon ng "game-fixing," bago itinapon ang kanilang mga bangkay sa isang lawa.

Ayon sa pulisya na iniulat ng INQUIRER, lahat ng akusado ay nasa kustodiya na maliban kay Ang. 

Sinabi ng mga awtoridad na hindi pa ito lumalabas ng bansa at inaasahang lalagyan ng hold-departure order (HDO).

Baka Bet Mo: Atong Ang, 21 iba pa pinakakasuhan ng kidnapping ng DOJ

Noong Miyerkules, January 14, sinubukan ng mga pulis na isilbi ang warrant of arrest kay Ang sa kanyang mga tirahan sa Metro Manila at Batangas, ngunit hindi siya matagpuan.

Ang mga warrant ay inilabas ni Judge Mary Jean Cajandab-Ong ng Branch 26 ng Regional Trial Court (RTC) ng Sta. Cruz, Laguna noong January 13 para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention na hindi pwedeng piyansahan.

Naisilbi na ang mga warrant sa 17 co-accused ni Ang, kabilang dito ang 10 pulis na siyam sa kanila ay nasa "restrictive custody" ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame at pitong sibilyan na naaresto sa Laguna at Batangas.

"As a matter of procedure, (law enforcement agencies) will serve the warrant at his last known address," sey ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Polo Martinez.

Aniya pa, "The prosecution shall forthwith move for the issuance of a [HDO] with the court and ensure that all the accused stand trial."

Kinumpirma rin ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na hindi pa umaalis ng Pilipinas si Ang.

Sa Pasig City, nagtungo ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-National Capital Region sa bahay ni Ang, ngunit bigo rin silang makita ito roon.

"We scoured through every spot he could possibly hide in, from the basement up to the highest floor. We even went up to the rooftop… Sad to say, we did not find him here,'' sambit ni CIDG-NCR chief Col. John Guiagui.

Ayon pa sa pulisya, maging ang paghahanap sa mga bahay ni Ang sa Mandaluyong City at Lipa City, Batangas ay nauwi rin sa wala.

"We have identified the locations indicated in the warrant of arrest for Ang. These are different locations and the warrant will be served in those locations," wika naman ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Nartatez Jr.

Ang kautusan ng pag-aresto ay inilabas wala pang isang buwan matapos sampahan ng DOJ noong December 19 si Ang at 21 iba pa ng 10 counts ng kidnapping with homicide at 16 counts ng kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng pagkamatay ng 10 sabungero at pagkawala ng 16 pa mula 2021 hanggang 2022.

Ang mga kaso ay inihain sa tatlong RTC: sa Sta. Cruz at San Pablo sa Laguna, at sa Lipa City, Batangas.

Ayon sa mga piskal ng DOJ, pinatibay ng mga sinumpaang salaysay ng mga testigo, lalo na ng magkakapatid na Patidongan, ang alegasyon na si Ang ay "exercised command responsibility" sa umano'y pagdukot sa mga sabungero.

Batay sa mga testimonya, huling nakita ang karamihan sa mga biktima kasama ang mga security personnel ng isang cockpit arena, kung saan sila umano'y iniimbestigahan dahil sa "paninyope" o game-fixing. 

Ang mga nasabing arena ay pinatatakbo ng Lucky 8 Star Quest Inc., na inuugnay kay Ang.

Muling nabuhay ang imbestigasyon ng gobyerno matapos ang rebelasyon ni Julie "Dondon" Patidongan, na nagsabing ang mga sabungero ay dinukot, sinakal hanggang mamatay, at itinapon sa Taal Lake ng isang grupo ng mga pulis na umano'y kumilos sa utos ni Ang.

Pinagtibay ng kanyang mga kapatid na sina Elakim at Jose ang kanyang pahayag. 

Sinabi ni Elakim, na dati ring empleyado ni Ang, na nasaksihan niya ang ilang pagpatay. 

Ayon naman kay Jose, na miyembro ng security detail ng kanyang kapatid, nakita niya ang isang biktima na dinukot ng mga pulis.

Mariing itinanggi ni Ang ang anumang kinalaman sa kaso at iginiit na ang mga paratang laban sa kanya ay "trial by publicity." 

Naghain siya ng mosyon upang ipabasura at baligtarin ang resolusyon ng DOJ, na hanggang ngayon ay nakabinbin pa.

Tinawag naman ng kanyang abogado na si Gabriel Villareal ang court order na "premature" at "legally questionable."

"Clearly, the court merely acted on the incomplete and one-sided information provided by the [DOJ] in its determination of probable cause, without having even seen the counteraffidavits and exculpatory evidence of the respondents, including that of Mr. Ang," saad ni Villareal.

Binigyang-diin din ng abogado na wala pang inilalabas na pisikal na ebidensya ang DOJ na direktang mag-uugnay kay Ang sa pagkawala ng mga sabungero.

"This case was built on haste and from the beginning, and the intent to use our client as a diversion has now become apparent," dagdag pa niya, sabay giit na gagawin nila ang lahat ng legal na hakbang upang kuwestiyunin ang arrest order.

Naglabas si Judge Cajandab-Ong ng apat na magkakahiwalay na warrant of arrest laban sa 18 akusado, tatlo para sa 15 counts ng kidnapping with serious illegal detention at isa para sa apat na counts ng kidnapping with homicide.

Ang apat na counts ng kidnapping with homicide ay may kaugnayan sa pagkamatay nina Ferdinand Dizon, Mark Paul Fernandine, Melbert John Santos, at Manny Magbanua.

Kabilang sa mga inutusang arestuhin para sa kidnapping with homicide sina Ang, Rogelio Borican Jr., Jezrel Mahilum, Mark Carlo Zabala, Rodelo Anig-ig, Emman Falle, Julios Gumolon, Ronquillo Anding, at ilang opisyal ng pulisya.

Samantala, kasama rin si Ang sa iba pang warrant kaugnay ng mga hiwalay na kaso ng kidnapping at serious illegal detention.

The post Atong Ang pinaghahanap na dahil sa missing sabungero case appeared first on Bandera.


Atong Ang pinaghahanap na dahil sa missing sabungero case Atong Ang pinaghahanap na dahil sa missing sabungero case Reviewed by pinoyako on January 14, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close