Cayetano kinuwestyon paulit-ulit na double appropriation sa DPWH budget

MULING kinuwestyon ni Sen. Alan Peter Cayetano ang dobleng paglalaan ng pera sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na patuloy na lumalaki kada taon sa kabila ng babala ng mga mambabatas.
Ipinagdiinan ni Cayetano kay Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral ang hindi malutas-lutas na isyu na ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamagatang "The Philippines Under Water."
Kasalukuyan nitong iniimbestigahan ang mga alegasyon ng korapsyon tungkol sa flood control at ghost infrastructure projects.
"Every year, tinatanong ko po itong double appropriations. Every year, sinasabi ninyo na harmless at mistake lang ito.
"Pero rather than nababawas, dumadagdag ito every year. Bakit hindi matanggal ito?" tanong ni Cayetano, ang senior Vice Chair ng Blue Ribbon Committee, kay Cabral.
Aniya, masyado nang lumobo ang double entries sa budget na nagsimula sa P2.77 billion sa 2023 national budget na ngayon ay P7.85 billion na sa 2025 budget.
"Nu'ng sa General Appropriations Act (GAA) ng 2023, P2.77 billion ang double appropriations. It's exactly the same amount na nasa GAA. We brought this up in the committee hearing, pero hanggang sa final version, nandoon pa din," ang sabi ni Cayetano.
"Sa 2024 din, imbis na bawasan, P3.48 billion ang double appropriation. Binanggit ko uli ito. Sabi uli ng DPWH, aayusin din nila. Tapos in the 2025 budget, P7.85 billion ang double appropriations," dagdag pa niya.
Ayon sa senador, taun-taon na niyang binabanggit ang isyu na ito sa mga pagdinig ng national budget kasama si dating Minority Leader Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III.
Tinanong ni Cayetano si Cabral kung hanggang sa panukalang 2026 budget ay mayroong kaparehong double appropriation, tugon ni Cabral, wala siyang alam sa isyu.
Tinanong din ng senador si Cabral kung inimbestigahan ng DPWH kung natuloy at nabayaran ang lahat ng double appropriation.
"Have you looked kung parehong binayaran ang mga double appropriations? Hindi na binid y'ung isa or parehong binid?" tanong ni Cayetano, na muling sinagot ni Cabral na walang kasiguraduhan.
Ikinagalit ni Cayetano ang matumal na tugon ni Cabral, sabay puna sa kakulangan ng inisiyatiba at transparency ng ahensya.
"Bakit parang hirap na hirap ang DPWH mag-investigate? Nu'ng iniimbestigahan natin yung tulay, ayaw niyo mag-preventive suspension at mag-submit ng documents," tanong ng senador.
Tinukoy niya ang imbestigasyon na pinamunuan niya noong 19th Congress tungkol sa nasirang Cabagan-Sta. Maria bridge sa Isabela.
"Kapag may imbestigasyon na ganito, para kaming dentista na kailangan hilahin ang ipin na walang anesthesia. Kailangan bunutan parati. Bakit ganu'n ang DPWH?" aniya pa.
The post Cayetano kinuwestyon paulit-ulit na double appropriation sa DPWH budget appeared first on Bandera.

No comments: