BREAKING NEWS

Namasukan Bilang Yaya Para Makapag-college, Top 1 sa Licensure Examination for Teachers!



Kahanga-hanga ang ipinamalas na kasipagan ni Maricris Colipano para maabot ang kanyang pangarap. Hindi naaksaya ang mga sinakripisyo niya para makamit ang inaasam-asama na makatapos sa kolehiyo at makapasa sa Licensure examination for Teachers o LET. Ang 26-year-old na si Maricris, na mula sa Brgy. Upper Natimao-an, Carmen, Cebu, ay Top 1 sa ginanap na March 2022 Licensure Examination for Teachers (LET) elementary level.



Nakakuha siya ng 92.40 percent rating. Produkto siya ng Cebu Technological University (CTU) Carmen Campus. Ang kuwento ng buhay ni Maricris ay puno ng makukulay na karanasan na mapaghuhugutan ng inspirasyon ng mga kabataan.

Ang kanyang ama ay isang magsasaka. Ang kanyang ina naman ay Barangay Health Worker (BHW). Nang maka-graduate ng high school si Maricris, hindi siya agad nakapagkolehiyo dahil sa hirap ng buhay.

Namasukan muna siya bilang yaya. Nang tumuntong siya sa edad na 18, nagtrabaho siya sa isang kumpanya sa Danao City. Bukod sa pagtulong sa gastusin ng kanyang mga magulang, nag-ipon din siya para sa kanyang pag-aaral.




Noong 2016, nakapag-enroll na si Maricris sa kolehiyo. Nineteen years old na siya noon. Nagtapos siya bilang cum laude noong May 2019.

Nag-enroll si Maricris sa isang review center bilang paghahanda sa LET, pero nakakapag-participate lang umano siya sa online coaching at nagbabasa ng kanyang review materials.

Lagi rin siyang nanonood sa YouTube ng online coaching. Sa panayam kay Maricris ng Cebu Daily News noong May 2, ikinuwento niya na nalaman lang niyang Top 1 siya dahil sa kanyang nakababatang kapatid na babae.

Lumabas ang resulta ng exam noong April 29, 2022, araw ng Biyernes.

Kuwento ni Maricris: "Hindi ako ma-Facebook na tao kaya hindi ko alam na lumabas na ang resulta noong Biyernes. Nag-online ang sister ko at nalaman namin ang resulta dahil nag-message sa kanya ang isang classmate ko."



Hindi umano makapaniwala si Maricris dahil ang akala niya ay sa May 9 pa lalabas ang resulta.

Napatunayan niyang totoo ngang topnotcher siya nang i-post ng kanyang kapatid ang resulta mula sa website ng Professional Regulation Commission (PRC) sa social media account nito.

Aminado si Maricris na may job offers na siyang natanggap mula sa kanyang school, at sa review center kung saan siya nag-enroll. Nangako rin ang kanyang alma mater na pagkakalooban siya ng monetary reward dahil sa kanyang pagiging topnotcher.

Ngayong isa na siyang ganap na guro, ang goal ni Maricris ay magturo sa public school. At habang hindi pa siya employed, magbo-volunteer teacher muna siya.

Ani Maricris, "Ang gusto ko pag nakapasa ako ay maging isang volunteer teacher. Kasi nagawa ko iyan noong fourth year ko sa school."

"Masarap po sa pakiramdam na makatulong sa mga bata na walang interes pumasok sa eskuwela."

Source: Noypi Ako
Namasukan Bilang Yaya Para Makapag-college, Top 1 sa Licensure Examination for Teachers! Namasukan Bilang Yaya Para Makapag-college, Top 1 sa Licensure Examination for Teachers! Reviewed by pinoyako on May 08, 2022 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close