Traslacion target matapos sa 10–12 oras, ‘andas’ mas moderno at mas ligtas

MAAGANG nagsimula nitong Biyernes ng madaling-araw, January 9, ang taunang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
Ito ay inaasahang dadagsain pa ng milyon-milyong deboto sa mga lansangan ng Maynila.
Eksaktong 3:58 a.m. nang umalis sa Quirino Grandstand ang andas o ang karwaheng kinalululanan ng imahe ni Hesukristo.
Bago pa man ito, bandang 3:00 a.m., sinabi ng Quiapo Church communications office na umabot na sa 270,000 ang tinatayang bilang ng mga debotong nasa Quirino Grandstand.
Baka Bet Mo: Coco Martin, Angeline, McCoy, Renee Salud matindi ang kapit kay Jesus Nazareno
May habang 5.8 kilometro ang rutang tatahakin ng prusisyon, na dadaan sa tatlong parke, pitong tulay, isang underpass, at 18 pambansa at city roads.
Ang taunang prusisyon ay reenactment ng 1787 Traslacion, na literal na nangangahulugang "solemn transfer" ng imahe mula sa orihinal nitong dambana sa Rizal Park malapit sa Quirino Grandstand, patungo sa Quiapo Church.
Ayon kay Maj. Gen. Anthony Aberin, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na iniulat ng INQUIRER, layunin nilang paikliin ang oras ng prusisyon sa 10 hanggang 12 oras lamang.
Dagdag pa ni Aberin, bahagi ito ng pagsisikap ng NCRPO na gawing mas ligtas ang prusisyon para sa lahat ng deboto.
Noong nakaraang taon, tumagal ng 20 oras at 45 minuto ang Traslacion na nilahukan ng mahigit walong milyong deboto.
May mga pagbabago rin umanong ginawa sa andas upang masigurong mas ligtas ito, ayon kay Quiapo Church technical adviser Alex Irasga.
Nanatili pa rin ang stainless-steel frame na may glass enclosure ng andas na ginagamit na mula pa noong 2024.
Ngunit ngayong taon, ayon kay Irasga, may bago itong feature kung saan ay may preno na at maaari na ring patakbuhin gamit ang manibela.
"This is like an owner-type jeepney. It has an under chassis, it has brakes," paliwanag ni Irasga sa isang press conference.
Aniya pa, "The only thing that is missing from the vehicle is the engine."
Sa kabila nito, ikakabit pa rin umano ang lubid sa andas na hihilahin ng mga deboto, isang tradisyong hindi mawawala sa Traslacion.
Inaasahan ding mapuputol ang lubid, gaya ng nangyayari taon-taon, kaya naghanda na ang mga organizer ng dalawang ekstrang lubid na tig-30 metro ang haba.
Dalawang araw bago ang Traslacion, inilabas at ibinandera sa Quirino Grandstand ang imaheng sakay ng andas para sa Pahalik o ang paghalik at pagpupugay ng mga deboto sa Poong Nazareno.
Extended din hanggang Sabado ang Pahalik gamit na ang replika ng imahe.
Ayon sa mga awtoridad, naging mapayapa ang ikalawang araw ng Pahalik, bagama't may naobserbahang tensiyon sa mahabang pila sa lugar.
Ilang deboto ang nagreklamo laban sa kapwa deboto na umano'y sumisingit sa pila, na umabot ng ilang kilometro ang haba.
The post Traslacion target matapos sa 10–12 oras, 'andas' mas moderno at mas ligtas appeared first on Bandera.

No comments: