Viral Yaya na tinamaan ng womb cancer tampok sa Magpakailanman

NGAYONG Sabado, Pebrero 7, mapapanood sa "Magpakailanman" ang isang madamdaming kuwento ng katatagan at sakripisyo.
Tampok sa episode na "Viral Yaya" sina Rikki Mae Davao, Jackie Lou Blanco, Soliman Cruz, Kuya Kurt, Tala, at Kazel Kinouchi.
Isasabuhay ni Rikki Mae ang nakaaantig na kuwento ni Nolyn na mula Isabela ay nakipagsapalaran sa Hong Kong sa paghahanap ng mas magandang buhay.
Ngunit habang nagsisimula pa lamang siyang bumuo ng sariling buhay, nagkaroon si Nolyn ng stage A-1 womb cancer, isang sakit na nagbanta hindi lamang sa kanyang mga pangarap kundi pati sa kanyang buhay.
Baka Bet Mo: Jackie Lou ibinunyag 'crush' ni Ricky Davao: 'Si Snooky Serna talaga!'
Sa gitna ng takot at pangamba, dumating ang pag-asa sa pamamagitan ng pamilyang Wright, ang mabait at mapagbigay na mga amo na itinuring si Nolyn hindi bilang kasambahay, kundi bilang kaanak.
Nang lumipat ang pamilyang Wright sa Singapore, sumama si Nolyn at doon natagpuan ang pagmamahal lalo na mula sa mga batang itinuring niyang sariling anak.Pagkaraan ng ilang taon, hinarap ni Nolyn ang pinakamasakit na paalam.
Kinailangan niyang iwan ang mga batang inalagaan upang makabalik sa Isabela kung saan niya muling nakapiling ang pamilyang dahilan ng kanyang mga sakripisyo.
Sa direksyon ni Neal Del Rosario, sa panulat ni Vienuel Ello, at sa pananaliksik ni Georis Cielo Tuca, ang episode na ito ay nagpapaalala na kahit sa gitna ng mga pagsubok, ang pag-ibig at pakikipagkapwa ang siyang nagbabalik sa isang tao sa kanyang tunay na tahanan.
Huwag palampasin ang "Magpakailanman" tuwing Sabado, alas-8:15 ng gabi sa GMA 7.
Maaari rin itong subaybayan ng mga Global Pinoy sa GMA Pinoy TV.
The post Viral Yaya na tinamaan ng womb cancer tampok sa Magpakailanman appeared first on Bandera.

No comments: